Biktima pa nang nasapak na traffic enforcer, lumutang
MANILA, Philippines – Isa na naman umanong biktima sa panghaharas ng kontrobersiyal na Metro Manila Development Authority (MMDA) traffic enforcer na si Jorbe Adriatico ang lumantad at isiniwalat ang hindi magandang pag-uugali at pang-aabuso nito sa mga motorista.
Lumutang sa ABS-CBN ang isang abogado na mayroong hindi naging magandang karanasan sa nabanggit na traffic enforcer.
Ayon sa pahayag ng abogado na dating labor arbiter ng National Labor Relations Commission (NLRC) at hiniling na huwag muna siyang pangalanan na noong Setyembre 2014 ay hinarang siya ng traffic enforcer sa Quezon Avenue southbound nang kumanan siya papuntang Banawe.
Nagtataka aniya siya kung bakit siya hinarang gayong hindi ito ipinagbabawal.
Lalu pa umano siyang nagulat nang kunan siya ng video ni Adriatico at itutok pa ito sa kanyang mukha na walang sabi-sabi.
Kinuwestiyon ng abogado ang aksyon ng tauhan ng MMDA na may kasamang isa pang enforcer. Pinayagan din naman aniya siyang umalis nang mangatwirang may dadaluhan pa siyang hearing.
Aminado ang abogado na hindi na niya inireklamo ang insidente dahil maliit lang naman ito. Pero handa aniya siyang tumestigo sa korte sakaling ipatawag kaugnay sa kaso ng Maserati driver na si Joseph Rusell Ingco.
- Latest