Problemado sa misis mister nagtangkang tumalon mula sa MRT station, nasagip
MANILA, Philippines - Isang 36-anyos na mister na problemado umano sa kanyang asawa ang nailigtas ng awtoridad makaraang magtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa itaas ng isang istasyon ng Metro Rail Transit sa lungsod Quezon, kahapon.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang suspek ay nakilalang si Carlo Tuazon, ng Benitez St., Brgy. Kanlaon sa lungsod.
Si Tuazon ay dinala sa nasabing himpilan matapos na mailigtas mula sa nasabing lugar. Gayunman dahil sa idinulot nitong tensyon at pagkabalam ng daloy ng sasakyan sa mga motorista sa kahabaan ng Edsa Kamuning, pinag-aaralang sampahan siya ng kasong alarm scandal.
Nangyari ang insidente, ganap na alas-4:30 ng madaling araw partikular sa may southbound ng footbridge ng GMA-Kamuning Station na matatagpuan sa kahabaan ng EDSA corner GMA Drive, Brgy. South Triangle.
Diumano, napuna na lamang ng ilang commuters ang suspek sa tuktok na nakatayo at akmang tatalon. Dahil dito, naalarma ang maraming pedestrian at motorista kung kaya agad na humingi ng tulong sa awtoridad.
Agad namang dumating ang responde mula sa Bureau of Fire Protection at MMDA saka naglatag ng air bag, bago tuluyang isinagawa ang negosasyon.
Makalipas ang alas- 6:30 ng umaga ay nakumbinsi rin ng mga tropa ng BFP ang suspek na sumuko, saka dinala ito sa nasabing himpilan para sa kaukulang disposisyon. Sinasabing may problema ito sa asawa kaya naisipang magtangkang tapusin ang buhay.
- Latest