Lider, 5 miyembro ng carnapping group, timbog
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nabuwag na ng Quezon City Police District (QCPD) ang kilabot na sindikatong ‘Mac Lester carnapping group’ matapos na maaresto ang lider at ilang tauhan nito sa walang humpay na follow-up operations sa Caloocan, Malabon at kalapit na probinsya sa Bulacan at Quezon.
Kinilala ni QCPD director Supt. Richard Albano, ang mga suspek na sina Mac Lester Reyes, 37, lider ng grupo; Richell Sibug, 30; Armando dela Cruz, 26; Alvin Ganac, 19; Pablito Gumasing, 34; at Macario San Diego, 23.
Ayon kay Albano, nadakip ang mga suspek ng tropa ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD sa pamumuno ni Chief Insp. Rodelio Marcelo at Senior Insp. Rolando Lorenzo Jr., sa tulong na rin ng Highway Patrol Group Task Force Limbas sa pamumuno ni Police Supt. Ferdinand Villanueva.
Sa ulat, naganap ang pag-aresto sa mga suspek matapos na makatanggap ng impormasyon ang pulisya tungkol sa isang hinihinalang carnap na sasakyang Toyota Prado na ginagamit ng suspek na si Dela Cruz at Ganac ay ibabagsak sa kahabaan ng Cardiz St., Banawe sa lungsod, ganap na alas- 9 ng gabi
Sa ginawang beripikasyon sa sasakyan, nabatid ng CIDU na ang Prado ay karnap dahil ang plaka nito ay sa isang Isuzu D-Max na iniulat na kinarnap din sa Project 8 noong June 18, 2014.
Naispatan ng mga operatiba ang Toyota Prado at sinundan nila ito hanggang pumasok sa isang compound sa Bustamante St., Malabon, kung saan nila ito sinalakay at nadakip sina Dela Cruz at Ganac.
Nakumpiska mula dito ang isa pang Toyota Grandia at iba pang piraso ng ebidensya.
Sa interogasyon, itinuga ng dalawa ang hideout ni Reyes sa isang condominium sa Caloocan City. Nagtangka pang manlaban si Reyes pero nasukol din ito.
Narekober sa kanya ang isang kalibre 45 baril at dalawang plastic sachet ng shabu, gayundin ang isang Toyota Hi-Ace van at isang Nissan Patrol, ilang picklocks na gamit sa kanilang iligal na operasyon.
Sa mga sumunod na operasyon ay nadakip pa ang ibang galamay nito.
- Latest