Dahil sa nakitang bitak Gusali sa 2 paaralan sa Pasay, hindi pinagamit
MANILA, Philippines - Dahil sa panganib na posibleng idulot, hindi muna ipinagamit ng Engineering Office ng Pasay City Hall ang apat na gusali kabilang ang dalawang paaralan dahil nakitaan ng bitak ang sahig nito dahilan upang maapektuhan ang klase ng mga mag-aaral dito.
Nabatid na apektado ang klase ng mga estudyante sa Villamor Airbase Elementary School at ang katabi nitong Pasay South High School ng naturang lungsod.
Habang wala pang magamit na silid, simula pa noong Lunes, napag-alaman na nasa alternative delivery mode muna ang mga mag-aaral ng Villamor Airbase Elementary School na ang ibig sabihin sa bahay muna mag-aaral ang mga ito.
Namahagi ng modules ang pamunuan ng naturang paaralan para sa mga aralin ng mga mag-aaral nito.
Samantala, ang Pasay South High School naman ay magkakaroon ng online classes para sa kanilang mga estudyante.
Nabatid pa sa pamunuan ng Villamor Airbase Elementary School, base sa assessment ng Pasay City Hall Engineering Office at ng Department of Education (DepEd), kailangan nang bakantehin ang Building A at Building B dahil mahina na ang gusali matapos itong makitaan ng bitak sa sahig.
Matatandaan, na noong taong 2007 lamang nang maitayo ang mga gusali na may tig-limang palapag at tig-31 classroom at gayundin sa Pasay City South High School na mayroon namang tig-tatlong palapag.
Bilang alternatibong solution, nagtatayo muna ng makeshift classrooms sa tapat ng nabanggit na mga paaralan at matatapos ito sa loob ng 20 araw kung saan dito muna magkaklase ang mga mag-aaral habang isinagawa ang rehabilitasyon ng mga gusali.
- Latest