Driver na may ‘putok’, may multa na rin!
MANILA, Philippines - Alam ba ninyong ang mga marungis, mabaho o may ‘putok’ na driver ng mga pampublikong sasakyan ay maaaring kasuhan at maparusahan?
Ito ang nakasaad sa isang memorandum circular number 2011-004 ng Land Transportation Franchising Regulatory Board kung saan ang isang driver na mabaho o may ‘putok’ ay maaaring magmulta ng P2,000 sa unang offense, P3,000 multa sa second offense at suspension ng 2 buwan sa pagpasada at pagkumpiska sa plaka ng sasakyan at sa 3rd offense naman ay may multang P5,000 at kanselasyon ng prangkisa ng sasakyan.
Sa isang panayam, sinabi ni Board Member Ronaldo Corpus ng LTFRB, karaniwan nang walang driver ang napaparusahan dito dahil sa wala namang nagrereklamo sa ahensiya hinggil dito. Maaaring hindi rin alam ng mga pasahero ang ganitong patakaran kaya nagtitiis na lamang sila sa amoy ng katabi nilang driver.
“Paano mo mapaparusahan diyan eh wala namang nagrereklamo, ang pagiging malinis sa katawan ng isang driver ng passenger vehicle ay isa ring panuntunan para payagan itong makapagmaneho at kung mabaho ito at nakakasulasok ang amoy na sobrang apektado na ang mga pasahero,hindi na maganda yan kasi kailangan nating bigyan ng maayos na serbisyo at masiglang paglalakbay ang ating mga pasahero”paliwanag pa ni Corpus.
“The PUV operator shall ensure that the commuting public has adequate, safe, convenient, environment-friendly and dependable public land transportation services at reasonable rates through the strict implementation of land based transportation policies, programs and projects to an investment-led and demand-driven industry and in adherence to the provisions of the Clean air act and other environmental laws”, nakasaad sa naturang memorandum.
Sinabi rin ni Corpus na kasama rin sa usaping ito ang pagiging malinis ng mga kuko, pagbabawal na magsuot ng tsinelas, shorts at sando gayundin ang pag -iwas sa paninigarilyo habang namamasada.
“Meron kaseng iba diyang mga driver laluna sa mga jeep na nagmamaneho na naka -sando lang, naka- tsinelas at naka- short, bawal po yan at may kaukulang multa yan “paliwanag pa ni Corpus.
Sa pampasaherong jeepney driver anya ay dapat na nakapantalon at kulay blue na t-shirt at naka sapatos o sandals na panlalaki na may suot na medyas ang kasuotan, kulay puti namang polo sa mga driver ng bus, taxi at AUV at kahit anung kulay ng pantalon.
- Latest