Aircraft mechanic, tinamaan ng kidlat sa NAIA, kritikal
MANILA, Philippines - Isang aircraft mechanic ang nasa kritikal na kondisyon matapos tamaan ng kidlat sa kasagsagan ng malakas na ulan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, Pasay City.
Dahil sa tinamong 2nd degree burn sa mukha at katawan, ginagamot ngayon sa Makati Medical Center si Sheldon Balang, 25, nakatalaga sa Domestic Aviation Partnership Philippines Corporation at naninirahan sa Block 107, Lot 18, Kalinisan St., Cainta Rizal.
Ayon kay Chief Insp. Angelio De Juan, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-7:55 ng gabi sa Bay 109 Tarmac Terminal 3, Domestic Road Pasay City.
Inaalalayan ng biktima ang Cebu Pacific Airlines habang umaatras ito sa kasagsagan ng malakas na ulan nang biglang kumidlat at tamaan ang buntot ng eroplano hanggang sa dumaloy ang kuryente sa headset na suot ng biktima na naka-plug sa eroplano kayat ito ay nakuryente.
- Latest