Binatilyo, 1 pa sinalvage
MANILA, Philippines - Dalawang bangkay, kabilang ang isang 15-anyos na binatilyo na pinaniniwalaang biktima ng salvage ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa lungsod Quezon.
Ayon kay Inspector Elmer Monsalve, hepe ng homicide investigation section ng Quezon City Police District (QCPD), sa kasalukuyan, tanging ang batang biktima lamang ang natukoy ang pangalan na si Julius Tiburcio, residente ng Agham Road, San Roque 2, Brgy. Pag-Asa, Quezon City.
Habang ang isang biktima ay wala pa ring pagkakakilanlan at isinalarawan sa pagitan ng edad na 30-35, may-taas na 5’7’’, katamtaman ang pangangatawan, at nakasuot ng kulay pink na t-shirt at gray na short pants.
Sabi ni Monsalve si Tiburcio ay nagawang makilala ng mga istambay matapos na matagpuan sa may harap ng Philippine Children Medical Center sa kahabaan ng Quezon Avenue, Sitio San Isidro, Brgy. Pag-Asa, ganap na alas-10:30 ng gabi.
Ang katawan ng biktima ay nababalutan ng packaging tape at may saksak din sa dibdib at marka ng pagkakasakal sa leeg.
Samantala, ganap na alas-3:50 ng madaling-araw nang matagpuan naman ang isa pang bangkay sa may Area 7, Nawasa Line malapit sa panulukan ng Sampaguita St. sa Brgy. Holy Spirit.
May mga tusok din sa likod ng kanyang tenga at tama ng bala sa kaliwang hita ang biktima.
- Latest