MMDA enforcer timbog sa kotong
MANILA, Philippines - Huli sa akto ang isang traffic enforcer ng MetroÂpolitan Manila Development Authority (MMDA) habang nangongotong sa isang driver, kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.
Kinumpirma naman ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang pagkakadakip sa kanyang tauhan na si Miller Mendoza, 37, ng Doña Ville, Tagaytay City. Inirekomenda umano nila ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban dito.
Sa ulat ng Pasig City-TMO, una silang nakatanggap ng sumbong buhat sa isang driver na si Wilfred Sumayang sa ginawang paghuli sa kanya at pagkumpiska ng kanyang lisensya ng isang MMDA enforcer kahit wala siyang bayolasyon sa trapiko sa may Amang Rodriguez Avenue, Pasig.
Nag-iwan umano ito ng contact number na tatawagan kung makikipag-ayos ito para mabawi ang lisensya.
Nagsagawa naman ng operasyon ang Pasig TMO kung saan nakipagkita si Sumayang kay Mendoza dakong alas-5 ng madaling-araw. Inaresto ng mga awtoridad si Mendoza habang tinatanggap ang pera buhat kay Sumayang.
Ayon sa Pasig TMO, nakadestino si Mendoza sa Timog Avenue sa Quezon City ngunit sa Pasig ito nagtutungo upang manghuli ng mga delivery trak at van.
Sinabi ni Chairman Tolentino na hindi niya kukunÂsintihin ang tauhan kahit na kababayan niya ito sa Tagaytay City at hahayaang makulong habang ipatatanggal na niya ito sa serbisyo sa MMDA.
- Latest