Pax Silica: AI o panganib?
Hindi lamang software at computer program ang artificial intelligence o AI. Kailangan nito ng malalaking data center, semiconductor chips, power supply, cooling systems, mineral resources at maraming tubig. Ito ang dapat paghandaan sa Pax Silica hub sa New Clark City.
Malaki ang oportunidad para sa Pilipinas. May electronics at semiconductor industry na tayo, may mga engineer at technician, at may karanasan sa assembly, testing at packaging. Sa tamang kasunduan, maaari tayong umangat sa chip design, advanced packaging, robotics, AI hardware at research.
Pero hindi awtomatikong kita ng bansa ang bilyun-bilyong dolyar na investment. Ang pakinabang ay nasa buwis, sahod, royalties, exports, local suppliers at technology transfer. Kung puro tax incentives at imported equipment, baka maging lokasyon at murang labor lamang tayo.
Mahalaga rin ang ating nickel, copper, cobalt, chromite at iba pang critical minerals. Walang pagmimina sa loob ng Clark, pero maaaring dalhin doon ang minerals mula Palawan, Mindanao, Caraga, Zambales at iba pang lugar para sa processing at manufacturing.
Hindi sa Clark lang dapat nakatuon ang bantay. Kailangang malinaw kung saan galing ang mineral, kung legal ang pagmimina, kung protektado ang komunidad at kalikasan, at kung may sapat na royalties at rehabilitation fund. Hindi dapat umunlad ang Clark habang naiiwan ang mga probinsiya sa pinsala.
Mabigat din ang usapin sa kuryente at tubig. Ang data centers at high-tech factories ay gumagamit ng power at milyun-milyong litro ng tubig araw-araw. Hindi dapat magdulot ito ng brownout, mas mahal na singil o kakulangan sa supply para sa bahay, ospital, negosyo at sakahan.
Dapat simple ang patakaran: walang dagdag na power capacity, walang permit; walang siguradong water source, walang operasyon; walang mineral traceability, walang processing; at walang tunay na technology transfer, walang espesyal na insentibo.
Maaari tayong makinabang sa Pax Silica, pero dapat bilang tunay na partner. Kung ang ating lupa, mineral, kuryente, tubig at talento ang gagamitin sa pagbuo ng AI future, dapat malinaw at pangmatagalan ang pakinabang ng mga Pilipino.
- Latest
















