'Go Bulaga Go!'
Ilang araw ding nagkagulo’t nakigulo
Ibang mga tao sa sinambit ni Santiago
Sa impeachment trial doon sa Senado
Nang mabanggit nga nito ang salitang “gago.”
Kesyo masama daw na parang “tarantado,”
At bakit, masama ba’ng mataranta tao?
Sino’ng loko nagsabing masama ang “gago”?
Para sa akin mas masakit pa ang “loko.”
Matagal ko nang sarili ko’y ginanito —
Ginago, tinarantado at hinilo
Sa pagsaliksik tungkol sa salitang ito
At walang pruwebang bad word ito... it’s not... NO!
Naisulat ko pa nga sa sulok na ito
Na salitang ‘yay dala ng Kastila dito
At nanggaling malamang sa Cebada Gago,
Isang uri ng torong matigas ang ulo.
“Gag” din tawag sa isang patawa alam n’yo,
“Go gaga” nga’y parang naging ulyanin kayo,
Pa’no na si Lady Gaga? Sagutin ninyo,
Pa’no na ang Kastilang si Mateos Gago?
Para sa akin ang ibig sabihin nito
Ay para lang bang nakakatawang kung ano
Dahil sa ‘sang galaw na nagkagulo-gulo,
O “gago” ay isa lang mapaglarong tao.
Kaya basta may katigasan ulo — gago!
Pag medyo tuliro’t napakagulo — gago!
Pag tila nakakalimot ang tao — gago!
Ang tanong: Ano ngayon ang masama dito?
Kaya ‘yung ibang sinasali pa Dios dito,
At kesyo nagbibintang na may sa demonyo,
Tigilan n’yo ito’t baguhin pananaw n’yo,
Hindi bastos at masaya lang maging “gago.”
Hindi ba ninyo napansin mga “pari” ko —
Lahat ng iba pang salita na may “ago”
Tulad ng “bago” at “mago” ay positibo?
‘Di ba’t “new” at “wise” ibig sabihin nito?
Wooo... At kahit pa nga ang salitang “kuwago,”
‘Di ba’t ang dating ay matalino at henyo?
Kaya nga dapat ‘di masama tingin ninyo
Sa “gago” na kamag-anak ng mga ito.
Kaya ‘wag mag-alala sa salitang “gago,”
Ang timbang lang n’yay pa-cute o kaya ay pilyo,
Ang “ulol,” “bobo,” “tanga” at “sira ang ulo” —
‘Yan mga mapanirang salita tingin ko.
‘Wag sanang magalit ngunit ito’y totoo —
Noong araw natatandaan pa ba ninyo?
Pabirong tawag natin sa Attorney-at-law
Na may karatula sa bahay — Abogago!
Aha! Hmmm... pwede... at kaya nga din siguro,
Dahil nakumbinasyon sa propesyong ito
Ang salitang pinagdedebatehan dito,
At meron pa ngang isa — ‘yung Attorney-out-law!
So ayos na ‘yan at ‘wag na kayong magtampo,
Katas ng salita’y depende sa tanggap n’yo,
Kung minsan nga sa tindi ng ligaya ninyo
O kaya’y namatayan — nagmumura kayo!
Gumagalaw ang panahon at nagbabago,
Hindi ba nga at isa sa mga “pari” ko —
Sa isang sermon n’ya iba ang nag-e-echo,
Wah! “ka-ek-ekan” na ang maririnig ninyo!
Kami nga sa aming show ang tawag ko’y gago,
Sa haba ng panahon umikli na ito,
Tuloy pa rin kami siguro dahil dito,
Bakit naman hindi? Eat BulaGA GO, go, go!
Katulad nangyari nung a cinco de Marso,
Tatlong baso ng halo-halo inubos ko!
Kare-kare’t inutak at kung ano-ano,
‘Tapos nahirapan... ano ‘ko? Eh ‘di gago!
- Latest
- Trending