Ayaw nang mag-aral ng anak
Dear Dr. Love,
Tulungan po ninyo akong magpasya kung ano ang mas mabuting gawin sa aking anak na parang nawawalan ng interes sa pag-aaral.
Sa limang anak namin ni Damian, lubos ang aming pagsisikap na mapag-aral sila ng maayos para hindi matulad sa amin na hindi man lang nakatapos kahit high school.
Pero hindi namin sukat-akalain na ang pangalawang anak namin ay may lumalalang problema sa kanyang pag-aaral. Hindi namin inaasahan na apat na subject ang hindi niya naipasa at ang sabi ng kanyang adviser, madalas siyang absent sa klase.
Hindi po ako makapaniwala dahil araw-araw umaalis ng bahay at binibigyan ko ng baon ang aking anak. Nang kausapin naming mag-asawa ang aming anak na si May, sinabi niyang gusto muna niyang huminto sa pag-aaral. Kung ano ang dahilan ay bigo kaming malaman, Dr. Love dahil ayaw niyang sabihin.
Ano po ang maipapayo ninyo, Dr. Love? Naguguluhan po kaming mag-asawa tungkol dito. Aabangan namin ang inyong sagot.
Gumagalang at nagpapasalamat,
Aling Lisa
Dear Aling Lisa,
May pagkakataon na hindi nakukuha sa unang pakikipag-usap sa anak ang tunay na rason nila sa maraming bagay. Kaya huwag kayong sumuko agad. Sikapin ninyong madagdagan ang atensiyon sa inyong anak na may problema at maaaring makalipas ang ilang araw ay mag-open din siya sa inyo.
Paglaanan din ninyo ng oras na makausap ang mga guro niya para malaman ang sitwasyon ng bata sa eskwelahan. Kung posible, maaaring hingan n’yo rin ng impormasyon ang mga kaibigan at kaklase niya.
Gawin ninyo ito para matulungan ang inyong anak. Dahil sa palagay ko, hindi basta na lang mawawala ang interes ng bata sa pag-aaral kung walang anuman na nakakaapekto sa kanya ng husto para ayawan ito.
Mula sa malalaman ninyo ay saka ninyo pagdesisyunan kung ano ang higit na makakabuti sa inyong anak.
DR. LOVE
- Latest