Inalok ng P1M
Dear Dr. Love,
May limang taon na ang nakakaraan nang ipagkatiwala sa akin ng best friend kong si Dona ang kapapanganak niyang anak. Masyado siyang liberated na kahit ang ama ng sarili niyang anak ay hindi niya matiyak.
Wala kaming pormal na usapan tungkol sa pagpapaampon niya sa amin ng sanggol. Basta ang sabi niya ay pakamahalin namin ang anak niya. Dahil matalik nga kaming magkaibigan, tiwala kami sa isa’t isa.
Matagal kaming walang komunikasyon ni Dona hanggang sa lumipas ang limang taon at itinuring na naming mag-asawa na tunay na anak ang baby niya. Kami rin ang kinikilalang tunay na magulang ng bata.
Ngayon ay bigla na lamang nagpakita si Dona at binabawi ang bata. Mahigpit ang aming pagtutol na mag-asawa. Pinaghirapan naming arugain ang bata sa loob ng limang taon tapos babawiin ng kanyang tunay na ina?
Sabi sa akin ni Dona, handa niyang bayaran ang lahat ng nagastos namin. Katunayan, inaalok kami ng isang milyong piso pero hindi namin kayang ibalik ang bata.
May legal protection ba kami para huwag ibalik ang bata?
Gumagalang,
Michelle
Dear Michelle,
Unfortunately kung legal protection ang hanap mo, palagay ko ay wala. Wala naman kayong pinirmahang kasulatan para maging legally adopted ang batang inaaruga ninyo ngayon.
Magharap man kayo sa korte at kumuha ng magaling na abogado, palagay ko’y mapapasakanya ang bata. Kung noon pa’y nagpirmahan na kayo para daanin sa legal na proseso ang pag-aampon ninyo sa bata, wala ka sanang problema ngayon.
Masakit man, tanggapin mo na ang alok na P1 milyon at ibalik sa tunay na ina ang batang minahal ninyo.
Dr. LOVE
- Latest