Babad sa cp si misis
Dear Dr. Love,
Magandang araw po sa inyo. Mr. Tahimik na lang po ang itawag ninyo sa akin. Isa po akong simpleng mister, may anak, may trabaho, at masasabi kong maayos naman sana ang aming buhay mag-asawa kung hindi lang dahil sa isang bagay, ang labis na paggamit ng cellphone ng aking misis.
Sa totoo lang, hindi ko naman ipinagkakait sa kanya ang kasiyahang makipag-chat sa mga kaibigan, mag-post sa social media, o manood ng mga videos online. Naiintindihan kong ito ang paraan niya para mag-relax. Pero sa araw-araw naming pagsasama, parang mas pinipili niyang kausap ang cellphone kaysa sa akin. Ayoko namang magduda o maging controlling. Pero umaabot na kami sa punto na parang wala na kaming emotional connection. Madalas, sa social media ko na lang nalalaman ang mga saloobin niya. Doon siya nagpaparamdam kung masaya ba siya, may tampo, o may stress. Pero sa akin, wala siyang sinasabi.
Dr. Love, mali ba ako kung nasasaktan ako?
Mr. Tahimik
Dear Mr. Tahimik,
Ang cellphone ay dapat gamit, hindi kapalit. Kung mas madalas na ang screen kaysa sa sulyap, at ang pag-scroll kaysa sa pakikipag-usap, may mali na.
Hindi mo kaila-ngang sumigaw para marinig, pero kailangan mo nang tumindig. Hindi para makipagtalo, kundi para ipaalala na ang tunay na koneksyon ay hindi masusukat sa signal o data, kundi sa damdamin na hindi ka-yang i-post o i-share.
Harapin mo siya at paalalahanan na ang relasyon ay hindi automatic na nag-a-update. Likes will fade. Views will pass. Pero ang tunay na pagmamahal — ‘yan ang dapat naka-pinned, naka-save, at hindi kalian man na-unfollow.”
DR. LOVE
- Latest

















