Na-in love sa magpapari
Dear Dr. Love,
Isang pambihirang lalaki ang aking nakilala. Pambihira dahil sa kabila ng kanyang nakahuhumaling niyang katangiang pisikal ay nanatili siyang tapat sa una niyang pinaglaan ng kanyang pagmamahal.
Si Simeon, nakilala ko siya nang magkataon na ako ang duty bilang nurse habang nagpapagaling siya makaraang maoperahan sa thyroid gland. Aminado ako na sa simula pa lang ay talagang attracted na ako sa kanya.
Naging malapit kami hanggang sa dumating ang paglabas niya sa ospital. Nangako siyang babalikan ako para mailabas bilang pasasalamat sa mabuting pag-aasikaso sa kanya. ‘Yun ang nangyari.
Naulit pa ito kung saan niya ipinagtapat na gayundin ang nararamdaman niya para sa akin. Pero hindi na niya basta isantatabi ang pinaglalaanan niya ng pagmamahal at serbisyo, para sa Diyos.
Naunsyami man ako sa unang lalaking minahal ko, masaya pa rin ako Dr. Love dahil hindi ko kayang tumbasan ang pag-ibig na laan niya kay Kristo. Natupad ang sinabi niya, may dumating na bagong pag-ibig sa akin, na ngayo’y ama ng dalawa ‘kong mga anak.
Maraming salamat po sa pagkakataon ibinigay ninyo sa liham ko at sana naging makabuluhan ang bawat nating pagtitika sa nakalipas na mahal na araw.
Gumagalang,
Flordeliza
Dear Flordeliza,
Salamat sa liham mo at nagagalak ang pitak na itong mabatid na maligaya ka ngayon sa piling ng lalaking pinili marahil ng Panginoon para mahalin ka at paligayahin sa tulong na rin ng nagpari mong kaibigan.
Sana magpatuloy ang walang kupas na pananalig mo sa kabutihan ng ating Panginoon na siyang tunay na nakakaalam ng ating magiging kapalaran.
Mahalin mong lubos ang iyong kabiyak.
Dr. Love
- Latest
- Trending