Dahil inangkas si kumare
Dear Dr. Love,
Ako po si Bamboo. Isa po akong mister na hindi inaasahang naging dahilan ng pagseselos ng aking misis ang pagpapa-angkas ko sa aming kumare.
Noong isang araw, nagkataong kasabay ko sa pag-uwi ang aming kumare. Dahil alam kong pareho naman kaming papunta sa direksiyong iyon, inalok ko na siyang sumabay sa aking motorsiklo. Wala naman po akong ibang intensiyon kundi tumulong at makisabay siya. Pero nang malaman ito ng misis ko, biglang nagbago ang mood niya.
Nagtampo siya at tinanong kung bakit kailangan ko pang iangkas ang aming kumare. Ipinaliwanag ko naman na wala iyong malisya at wala akong ginawang masama.
Ang masakit, kahit anong paliwanag ko, parang iba na ang tingin niya sa akin. Hindi ko alam kung sobra lang ba siyang magselos o ako talaga ang nagkulang sa pagiging sensitibo sa kaniyang nararamdaman.
Dr. Love, masama ba akong mister dahil nagpa-kita lang ako ng kabutihang-loob sa aming kumare? Paano ko ba maipapaliwanag sa aking misis na walang dapat ikabahala?
Bamboo
Dear Bamboo,
Hindi masama ang tumulong, pero bilang asawa, mahalagang isaalang-alang mo rin ang damdamin ng iyong misis. Hindi lahat ng bagay na para sa iyo ay simpleng kabutihang-loob ay ganoon din ang dating sa taong nagmamahal sa iyo.
Huwag mong maliitin ang kanyang pagseselos. Sa halip na makipagtalo, kausapin mo siya nang mahinahon at tiyaking wala kang ibang intensiyon sa inyong kumare. Tandaan mo, hindi sapat na malinis ang iyong konsensiya; mahalaga ring mapanatili mo ang tiwala ng iyong asawa.
At sa susunod, ma-ging mas maingat sa mga kilos na maaaring pagmulan ng hindi pagkakaunawaan. Ang tiwala ay madaling masira, kaya huwag mong hintaying magkaroon ng problema bago mo ito pahalagahan.
DR. LOVE
- Latest
















