Nakatampuhan ang best friend
Dear Dr. Love,
Nagkatampuhan po kami ng matalik kong kaibigan matapos niyang isipin na ipinagkalat ko ang isang sikreto niya. Ilang beses ko nang ipinaliwanag na hindi ako ang gumawa nito, pero ayaw niya akong paniwalaan.
Hindi na niya ako kinakausap at nalulungkot po ako dahil mahalaga ang aming pagkakaibigan.
Gusto ko po magkaayos kami, pero sa totoo lang ay hindi ko alam kung paano magsisimula.
Nagwo-worry rin ako dahil baka kapag kinausap ko siya ay dedmahin niya lang ako o kaya’y pagtawanan.
Hindi ko po gusto ang situwasyon namin, lalo pa’t araw-araw kaming nagkikita dahil magkaklase kami.
Pagpayuhan po ninyo ako, dapat ko pa bang i-work out na magkaayos kami ng best friend ko o hayaan na lang na magpatuloy ang kani-kaniya naming landas.
Aabangan ko po ang payo ninyo.
Cham
Dear Cham,
Naiintindihan ko ang frustration mo na maibalik sa maayos na estado ang samahan ninyo ng iyong best friend.
Pero may mga usapin na hindi agad nareremedyuhan dahil kailangan ang panahon para maisaayos ang lahat.
Ang payo ko ay bigyan mo muna ng kaun-ting panahon ang iyong kaibigan para humupa ang kanyang galit at sama ng loob.
Kapag handa na siya, kausapin mo siyang muli nang mahinahon at tapat para maipaliwanag ang iyong panig. Tiyakin mo na magawa ito nang walang panunumbat o paninisi.
Sa halip, ipakita mo sa kanya sa pamamagitan ng iyong mga kilos at maingat na pagsasalita na pinahahalagahan mo ang inyong pagkakaibigan.
Kung tunay ang samahan ninyo, malaki ang posibilidad na pakinggan ka niya at sa huli ay tuluyan nang mawawala ang inyong tampuhan at unti-unting maibabalik ang masayang samahan ninyo. Kasama mo ako sa panalangin, na maging ok na kayo.
Dr. Love
- Latest















