In-love sa pinsan
Dear Dr. Love,
Hello po sa lahat ng tumatangkilik sa column n’yo. Tawagin na lang po ninyo akong Ms. Virgo17. Ako po ay umiibig sa 3rd cousin ko. Pareho po kami ng nararamdaman noon. Ngunit pinigilan namin pareho ang aming nararamdaman sa isa’t isa. Pinakilala n’ya po ako sa isa niyang kaibigan na may gusto sa’kin, na nakarelasyon ko. Pero hindi kami nagtagal. Dahil siya talaga ang mahal ko.
Matagal na panahon po kaming hindi nagkita. Nang magkaroon ng pagkakataon na magkatagpo uli kami, mas lalo ko pa siyang minahal. At alam ko at pakiramdam ko na ganun din siya sa akin. Nahihirapan na po ako Dr. Love. Mahal na mahal ko po siya at ‘yung pagiging magpinsan lang po talaga namin ang pumipigil sa amin.
Hindi naman po ako makapag-open dito sa bahay dahil nahihiya po ako at hindi ko po ugaling mag-share sa family ko ng problema ko. Ano po ang dapat kong gawin o ano po ang dapat naming gawin? Sana po ay mapayuhan n’yo ako.
Maraming salamat po and more power.
Gumagalang,
Ms. Virgo17
Dear Ms. Virgo,
Sa pagkakaalam ko, ang napangasawa ni Rep. Mikee Arroyo ay kanyang third cousin. Ang pinagbabawalan lang yata na makapagpakasal ay ‘yung first hanggang second degree.
Hindi ko lang matiyak pero magtanong ka sa mga abogado at tiyak alam nila iyan. Mayroon kasing dahilan kung bakit pinagbabawalan ang malapit na magkamag-anak na maging mag-asawa. May masamang epekto kasi sa kanilang magiging anak kung minsan. May mga isinisilang na abnormal.
Pero palagay ko’y malayo na ang relasyon ninyo sa dugo.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending