Binawian ang nobya
Dear Dr. Love,
Ayaw ko sanang gunitain pa ang masakit na nangyari sa babaeng pinaglaanan ko ng pagmamahal at naging daan sana sa aking tuluyang pagbabago.
Hindi ko akalain na ang mahal ko ang siyang magiging sakripisyo sa dapat sana’y pagbabago ko na pero dahil sa paglayo ko sa aking mga dating barkada, siya ang napagbalingan nila ng ngitngit at ginawan ng masama.
Nang makilala ko si Daisy, nagkaroon ng direksiyon ang aking buhay na napalungi dahil sa maling barkada na nakasama ko para malimot naman ang malungkot kong buhay sa pag-aakalang hindi ako mahal ang aking mga magulang na lulong naman sa paghahanapbuhay.
Pero tama ang aking ina sa pagpapayong dapat layuan ang masamang grupo na siyang nagturo sa akin ng masasamang gawi at pansamantalang kaligayahan.
Nang makilala ko si Daisy, nasumpungan ko na sana ang tamang direksiyon ng buhay ko.
Nilayuan ko ang barkada at kapag niyayaya nila ako sa kanilang mga gimik, nagdadahilan ako ng kung anu-anong mga lakad ng aking nobya.
Ang hindi ko alam, nagngingitngit na sila sa nobya ko dahil mula nang magkaroon kami ng relasyon, nagpakatino na ako.
Nangarap kami noon ng simpleng buhay, masayang pamilya at ganap na pagmamahalan at pagsusunuran.
Maligaya na ako. Itinakda na ang aming kasal.
Pero isang umaga, dumating ang mga magulang ni Daisy sa aming tahanan at lumuluhang ibinalita ang pagsasamantalang nangyari sa nobya ko at pinaslang pa siya ng mga hindi pa kilalang salarin.
Halos magunaw ang mundo noon sa akin.
Matapos malibing si Daisy, balik na naman ako sa pag-inom ng alak.
Naalala ko tuloy ang nilayuan kong barkada. Pinuntahan ko sila. Ang akala ko, masosorpresa ko sila. Ako pala ang nasorpresa.
Nag-uusap sila nang hindi nila namamalayan ang pagdating ko. Pinag-uusapan nila ang ginawa nila sa nobya ko.
Sa silakbo ng galit, sinugod ko sila. Sa kasamaang palad, napatay ko ang isa sa mga ito. Ito ang dahilan kung bakit ako nasa bilangguan. Ibinawi ko ang mahal kong si Daisy.
Sa ngayon, nagpapatuloy ako ng pag-aaral dito sa loob. Pumapailalim ako sa puspusang reporma para sa paglaya ko, magiging kapaki-pakinabang akong mamamayan.
Masakit pa ang puso ko sa trahedyang naganap sa buhay ng mahal ko. Pero alang-alang sa kanyang alaala, sisikapin kong tuluyan nang magpakatino.
Hangad ko pong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Salamat po at more power.
Fernando Labrador
I-D College Dept., BSC,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Fernando,
Nakalulugod na mabatid na sa wakas, napag-isip mo rin na mali ka ng landas noon. Ang akala mo, pinabayaan ka ng mga magulang mo dahil sa busy sila sa paghahanda ng iyong kinabukasan.
Tama rin ang mga magulang mo na dapat ay sumasama ka sa barkadang magtuturo sa iyo ng kabutihan at hindi masasamang gawi.
Natural lang na kainggitan ka nila. Nakakaangat ka sa buhay kaysa kanila. Mayroon kang mabuting nobya na siyang nagturo sa iyo ng tamang landas ng buhay.
Ang masamang barkada, ayaw sa nagpapakatino. Huli man ang pagkakatuklas mo sa prinsipyong ito, hindi pa rin huli ang pagpapakabuti.
Kaya nga lang, nawala ang nobya mo at nakulong ka para iganti ang ginawang paglapastangan sa kanya. Huwag mong ilagay sa mga kamay mo ang batas. Dapat na magpakahinahon ka sa tuwina.
Dr. Love
- Latest
- Trending