Mapaninindigan pa ba ang relasyon?
Dear Dr. Love,
Kaka-graduate lang po namin ng senior high school ng boyfriend ko. Sa loob ng dalawang taon, sabay kaming pumasok, sabay nag-review, sabay nangarap. Pero ngayon po college na — magkaiba kami ng school, magkaiba ng kurso, at malamang magkaiba na rin ng mundo.
Hindi ko alam kung kaya pa naming panindigan ang relasyon namin sa gitna ng bagong schedules, bagong barkada, at bagong priorities. Mahal ko siya, pero natatakot akong unti-unti kaming lumamig sa isa’t isa. Baka isang araw, magising na lang kaming hindi na pala kami.
Tama po bang ipaglaban pa ang relasyon namin o mas makakabuting hayaan na lang ang panahon ang magdesisyon para sa amin?
Chelsie
Dear Chelsie,
Natural lang ang takot sa pagbabago, lalo na kapag puso na ang nakataya. Ang pagtatapos ng senior high school ay hindi lang pagtatapos ng klase, kundi simula rin ng mas seryosong yugto sa buhay: paghahanap ng sarili, pagtupad sa pangarap, at pagharap sa mas maraming tukso at pagsubok.
Pero tandaan mo ito, ang tunay na pag-ibig ay hindi lang nasusukat sa rami ng oras na magkasama kayo, kundi sa tibay ng tiwala at lalim ng pang-unawa ninyong dalawa.
Kung pareho kayong handang lumaban — hindi lang sa distansya, kundi sa katahimikan, sa busy schedules, at sa mga panahong parang hindi na kayo parehong sigurado — may pag-asa pa ang “tayo.”
Pero kung ang relasyon ay magdudulot na ng kaba kaysa kapanatagan, ng lungkot kaysa ligaya, baka nga panahon na rin para ituon mo muna ang buong puso mo sa sarili mong pangarap.
Ang pag-ibig na para sa’yo, kahit gaano pa kayo kalayo, babalik at babalik sa tamang panahon — mas buo, mas handa, at mas totoo.
Kaya huwag matakot. Minsan kailangan muna maghiwalay ng landas, para matutunan maglakad mag-isa — at sa tamang panahon, baka magtagpo ulit kayo.
DR. LOVE
- Latest

















