Nakikipagbalikan
Dear Dr. Love,
Isang pinagpalang araw ang hatid kong pagbati sa iyo at sa lahat ng iyong mga tagasubaybay. Harinawang sapitin ka ng sulat kong ito na nasa mabuting kalagayan.
Ang pangalan ko ay Nida, 40-anyos at hiwalay sa asawa. Kung tutuusin, hindi ko naman asawa talaga kundi ka-live in lamang ang lalaking aking kinasama ng limang taon at nagkaroon kami ng isang anak.
Ako na mismo ang nagpasyang hiwalayan siya dahil sa pagiging iresponsable, babaero at lasenggo.
May dalawang taon na kaming hiwalay ngayon at nagkaroon ako ng boyfriend. Maganda ang ugali ng boyfriend kong ito at handa niya akong pakasalan at ariing kanyang anak ang anak ko.
Pero binabalikan ako ng aking dating kinakasama at nangakong magbabago na. Sinabi niya sa akin na matagal na siyang hindi umiinom at isinumpang hindi na siya mambababae. Kaya nag-iisip-isip ako ngayon. Afterall, ama siya ng aking anak at bagamat ako ang nagdesisyong hiwalayan siya, may nadarama pa rin akong pagtingin sa kanya.
Pero dapat ko ba siyang balikan? Sabi niya’y kung papayag ako na makipagbalikan ay pakakasal kami.
Ano ang dapat kong gawin?
Nida
Dear Nida,
Hindi ko nadarama ang iyong damdamin at ang desisyong gagawin mo ay ikaw lamang ang tanging makakapagpasya. Kuwarenta-anyos ka na at batid kong sa edad mong iyan ay may sapat ka nang talino batay sa iyong mga karanasan sa buhay.
Sundin mo ang tibok ng iyong puso pero dapat mong isama sa pagpapasya ang talinong ibinigay sa iyo ng Diyos.
Ikaw lamang at wala nang iba ang puwedeng mag-evaluate sa iyong dating nakarelasyon kung tapat ba siya at nagpapakatotoo sa kanyang mga sinasabi ngayon.
At tama ang tinuran mo. Siya ang ama ng inyong anak at marahil nga ay dapat siyang bigyan ng tsansa na gampanan ang kanyang papel bilang ama.
Ngunit inuulit ko, pag-aralan mo ang kanyang inuugali ngayon at tayahin kung tapat siya o hindi sa kanyang mga salita at doon mo ibatay ang gagawing desisyon.
Dr. Love
- Latest
- Trending