Pagbawi
Dear Dr. Love,
Isa pong magandang araw at nawa’y sapitin kayo ng liham kong ito na nasa mabuting kalagayan.
Ako po si Virgilio Tapucol, 31 years-old, tubong Bicol at isa sa masusugid na tagasubaybay ng inyong column sa Pilipino Star NGAYON.
Isa akong bilanggo sa Medium Security Compound ng Camp Sampaguita sa Pambansang Bilangguan sa Muntinlupa City. Napiit ako sa kasong murder.
Dati, isa akong manggagawa sa isang pabrika ng candy at doon ko nakilala ang isang babaeng minahal ko nang labis. Siya ay si Joy, mula sa isang may kayang pamilya. Si Joy ay anak ng may-ari ng pabrika na pinagtatrabahuhan ko.
Tutol sa aming relasyon ang mga magulang ni Joy. Dahil sa malaking pag-ayaw nila sa akin, ipinadala nila si Joy sa Hong Kong at ako naman ay tinanggal sa trabaho.
Naging mabagal para sa akin ang pag-inog ng mundo mula noon. Hanggang sa isang araw, biglang may grupo ng kalalakihan na humarang sa akin at pinagtulungan nila akong bugbugin. Halos mamatay na ako sa ginawa nilang pagpapahirap sa akin.
Salamat na lang at may nakakita sa akin at nailigtas ako sa tiyak na kamatayan sa kamay ng grupo.
Malaki ang suspetsa ko na ang may kagagawan nito ay ang mga magulang ni Joy.
Matapos magpagaling sa tinamo kong mga sugat sa katawan, minabuti ko nang umuwi na lang sa aming probinsiya.
Pero sa hindi sinasadyang pagkakataon bago ko pa man maisakatuparan ang aking plano, naispatan ko ang isa sa mga taong bumugbog sa akin.
Mabilis ang aking naging pasya. Kailangan kong bumawi sa nangyari sa akin.
Nangyari nga ang hindi ko nais na maganap. Napatay ko ang lalaking yaon. Sumuko naman ako sa pulisya at hindi ko na ipinakipaglaban ang kaso. Inamin ko ang aking pagkakasala. Nahatulan ako na mabilanggo mula 10 hanggang 17 taon.
Sa sobrang hirap na dinaranas ko dito, naisipan ko pong lumiham sa inyo para humingi ng tulong. Nais ko pong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat. Alam ko pong marami na kayong matutulungan na tulad ko kaya lubos akong umaasa na hindi ninyo ako bibiguin.
Maraming-maraming salamat po at hangad ko ang patuloy ninyong tagumpay.
Lubos na gumagalang,
Virgilio Tapucol
Bldg. 2 Dorm 217,
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Virgilio,
Labis kang nagpakabigla sa pagbawi sa nangyaring insidente na halos ikinamatay mo.
Hindi mo naisip na mayroon namang ibang paraan para makaganti ka, nang hindi kinakailangang dungisan mo ang iyong mga kamay ng dugo ng isa sa mga taong bumugbog sa iyo.
Sana, nagpa-blotter ka sa pulisya matapos ang pambubugbog sa iyo kundi man ay nagreklamo ka sa barangay ng pinangyarihan ng insidente.
Nangyari na ang hindi dapat na maganap. Nariyan ka na sa kulungan. Wala na tayong magagawa.
Ang maipapayo ko na lang, magpakabuti ka sa kulungan, pagsisihan mo ang kabiglaanang nagawa para maging kuwalipikado ka sa parole o kaya’y sa pagpapababa ng sentensiya.
Hangad ng pitak na ito na makatagpo ka ng kaibigan mo sa panulat para magkaroon ka ng mahihingahan mo ng iyong mga problema at magpapayo sa iyo.
Thanks for your letter at huwag kang makakalimot na tumawag sa Diyos para ihingi ng kapatawaran ang pagpatay mo ng tao.
Dr. Love
- Latest
- Trending














