^

Dr. Love

Suwail na anak

-

Dear Dr. Love,

Isa pong magandang araw sa inyong lahat diyan sa PSN gayundin po sa lahat na mahal ninyo sa buhay.

Ang dalangin ko po sana sa ating mahal na Pa­nginoon na sa sandaling mabasa ninyo ang liham kong ito, maunawaan ninyo ako at ang dina­ranas kong sama ng loob at kalungkutan dito sa loob ng bilangguan.

Ako po si Alvin Ignacio, 34 taong-gulang at ka­bi­lang sa masusugid na tagasubaybay ng inyong column sa malaganap ninyong pahayagan.

Marami na po akong nabasa sa inyong pitak na natulungan ninyo na tulad ko ay narito sa isang lugar na pugad ng lungkot.

Alam ko pong kayo lang ang tanging maka­kau­nawa sa isang tulad ko na isang suwail na anak na ngayon ay tagus-tagos ang pagsisisi sa naga­wang kamalian.

Langkap po ng liham kong ito ang kahilingan na sana ay mabigyan ninyo ako ng mahalaga nin­yong payo at mga kaibigan sa panulat.

Noon pong ako ay hindi pa nakukulong, isa akong suwail na anak na kagustuhan ko lang ang nasu­sunod at hindi alintana ang payo ng mga magulang.

Ang akala ko noon, hinahadlangan nila ang aking kalayaan gayong lubos ko na ngayong nauu­nawaan na ang mga tagubilin nila ay para lang sa aking kabutihan.

Noon, ang mga barkada ko lang ang mahalaga sa akin. Ang akala ko noon, sila ang makapag­bibi­gay sa akin ng kaligayahan habang buhay.

Nagkamali pala ako dahil dumating ang araw na ang mga barkada ko palang ito ang siyang mag­sasabwatan para ako ang maparusahan sa isang kasalanang hindi ko ginawa.

Naganap ang hindi ko inaasahang insidente noong namamasyal kaming magkakabarkada. Isang tao ang nakasagutan ng isang miyembro ng grupo  na ang akala ko ay hindi naman grabeng away kaya hindi ko binigyang pansin.

Pero nang lumingon ako ay nakita kong naka­han­dusay na ang taong nakasagutan ng barkada dahil sinaksak pala ito.

Dumating agad ang mga pulis at hinuli kaming lahat. Ikinulong kami at nagkaroon ng imbes­tigasyon.

Umakyat sa korte ang kaso at ang inaasahan ko, makakalaya na ako dahil talaga namang wala akong pagkakasala.

Ang hindi ko alam, ako pala ang itinuro nilang may kagagawan ng krimen.

Nang ibaba ang hatol, ako ang nasentensiyahan sa salang hindi ko ginawa at sila ang nakalaya.

Hindi ko matanggap ang ginawa nila. Ngayon, labis kong pinanghihinayangan ang mga payo ng aking mga magulang.

Kung sinunod ko lang sila, wala ako ngayon sa lugar na ito na libingan ng mga buhay.

Wala na akong magawa kundi ang tanggapin at harapin ang pagsubok na ito sa buhay.

Ipinagpapasa-Diyos ko na lang ang lahat dahil alam ko, Siya lang ang tanging nakakaalam ng kato­tohanan.

Umaasa po ako na ako’y inyong  matutulungan na magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.

Maraming salamat at God bless you.

Alvin Ignacio

Bldg. 2 MSC,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City  1776

 

 

Dear Alvin,

Salamat sa liham mo at aking nauunawaan ang ganap mong pagsisisi sa hindi mo pagpansin sa mga pangaral ng iyong magulang.

Talagang malimit na ang pagkakaunawa sa ka­sa­lanang nagawa ay nangyayari kung tapos na ang isang insidente na naglalagay sa isang tao sa ka­pahamakan at malaking problema.

Ang akala mo, tapat sa iyo ang mga kaibigan. Ang hindi mo alam noon, walang taong ang hangad ay ang kapakanan mo kundi ang miyembro ng iyong pamilya lalo na ang mga magulang.

Naganap na ang pangyayaring nagsadlak sa iyo sa bilangguan. Ang mahalaga, nakilala mo ang kabu­tihan ng pagiging masunuring anak at ang tu­nay na pagmamahal sa iyo ng mga magulang.

Sana, inihingi mo na ng kapatawaran sa iyong ma­gulang ang nagawang pagkakamali sa kanila. Mauunawaan naman nila ito.

Ang importante, nagsisisi ka na at ipina­nga­nga­kong hindi mo na sila ipagpapalit kaninuman.

Makabubuting piliin mo na ang mga taong pag­ti­­ti­walaan para hindi na maulit ang masaklap na pangyayaring ito sa iyong buhay.

Sana, sa pamamagitan ng liham mong inilathala ng pitak na ito, magkaroon ka ng maraming kai­bi­gan sa panulat.

Dr. Love

AKO

ALVIN IGNACIO

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with