‘Puzzle’ sa VP confidential funds malapit nang mabuo

MANILA, Philippines — Determinado ang prosecution panel na tapusin na ang “puzzle” o palaisipan sa paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte, sa pamamagitan ng presentasyon ng karagdagang mga testigo sa impeachment trial.
Ayon kay House impeachment adviser at spokesman Robert Ace Barbers, sapat na ang mga ebidensyang nailatag ng prosekusyon upang ipakita ang larawan ng isang opisyal na dapat tanggalin sa puwesto. “Tuloy-tuloy lamang na buuin ’yung litrato o puzzle. Bawat piyesa ay magbibigay ng totoong larawan kung ano ang tunay na usapin,” aniya.
Si Duterte ay nililitis sa Senate impeachment court kaugnay ng umano’y iregularidad sa paggasta ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at DepEd sa panahon ng kanyang termino.
Naiprisinta na ng prosekusyon sina OVP officials Gina Acosta at Lemuel Ortonio, na parehong idineklarang hostile witnesses. Tumestigo si Acosta na itinurn-over niya ang kabuuang P500 milyon sa apat na tranche na tig-P125 milyon sa dating Chief Security Officer ng OVP na si Col. Raymund Dante Lachica, na umano’y nagpatupad ng confidential funds.
Samantala, sinabi ni Ortonio na si Duterte ang nagbigay ng utos sa mga aktibidad kaugnay ng confidential funds, ngunit wala umano siyang nalalaman sa aktuwal na implementasyon nito.
Nakatakda ring tumestigo ang ilang sundalo sa susunod na paglilitis upang higit pang linawin ang usapin sa confidential funds.
- Latest




















