Confidential funds ng OVP, DepEd inihalintulad sa ‘ghost projects’

MANILA, Philippines — Wala umanong ipinagkaiba sa mga ‘ghost projects’ ang mga pinaggastahan ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno noon ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na, marami sa mga pinaggastahan ng kabuuang P612.5 milyon confidential funds ng OVP at DepEd ay hindi maipaliwanag at nakalista lamang sa mga pangalan ng pagkain, sitsirya, at mga indibidwal na walang malinaw na pagkakakilanlan. Kabilang dito ang mga pangalang gaya nina Mary Grace Piattos, Nova Santos, Mico Harina, Andy Lim, Patty Ting, Miggy Mango, Beverly Claire Pampano, Matthew Keso, Jay Kamote, at iba pa.
Giit ni Abante, ang kawalan ng malinaw na paliwanag, resibo, at rekord ng mga recipient sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay maihahalintulad sa mga proyektong nakasulat lamang sa papel—mga ghost projects.
“Sa akin, parang ghost project na lahat iyan. Sikreto sa taumbayan yan pero di dapat maging sikreto sa COA. Dapat i-reveal kung saan ibinigay, kanino ibinigay, at kung paano ginamit ang confidential fund na yan,” ani Abante, isang Baptist pastor.
Sa kasalukuyan, nililitis sa Senate impeachment court si VP Sara Duterte kaugnay ng paggamit ng confidential funds. Isa sa mga reklamo sa Articles of Impeachment ay ang paggasta ng P125 milyon confidential funds ng OVP sa loob lamang ng 11 araw noong 2022.
- Latest
























