DENR: Higit 65K tonelada ng basura, itinatapon araw-araw

MANILA, Philippines — Umaabot sa 61,000 hanggang 65,000 tonelada ng basura ang naitatapon araw-araw sa buong bansa, at mas lumalala ang problema sa waste management lalo na ngayong patuloy ang pag-ulan dulot ng Habagat.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Jonas Leones, sa naturang dami ng basura, 52 porsyento lamang ang nakokolekta, habang ang natitirang 48 porsyento ay napupunta sa mga daluyan ng tubig, nakakalat sa lansangan, o direktang bumabagsak sa mga water bodies.
“At least 52% of our generation, ayun lang yung nako-kolekta natin. But the rest, about 48% of our garbage generation, either napupunta sa water waste, napupunta sa water body, yung iba nakakalat sa daan. Ito yung tinutugunan natin kung paano natin ma-address kapag rainy season, Habagat,” ani Leones sa GMA News Balitanghali.
Ayon kay Leones, bawat Pilipino ay lumilikha ng humigit-kumulang 0.75 kilograms ng basura kada araw, dahilan upang umabot sa mahigit 60,000 tonelada ang kabuuang daily waste generation sa buong bansa.
“Napakalaki ng generation natin sa waste,” dagdag niya.
Nauna nang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakababahalang epekto ng basura, na nagiging ugat ng pagbaha sa maraming lugar.
- Latest






















