Halos 30K Barangay, tinalikuran na CPP-NPA-NDF
MANILA, Philippines — Aabot na sa 28,415 barangay sa 60 lalawigan ang nagkamit ng Stable Internal Peace and Security (SIPS) status, patunay umano ng paghina ng impluwensiya ng CPP-NPA-NDF, ayon sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Iniulat ni NTF-ELCAC Deputy Director for Operations Rodrigo “Rhod” Lutao na 21,614 barangay sa 45 lalawigan ang nasa siyam na rehiyong nakamit na ang SIPS status, habang 6,801 barangay sa 15 lalawigan ang patuloy pang nagsisikap na makuha ito.
Kasabay nito, umabot na sa 5,638 dating conflict-affected barangay ang napakinabangan ng Barangay Development Program (BDP), na may kabuuang pondong P44.9 bilyon at nakatulong sa mahigit 16 milyong Pilipino.
Kabilang sa mga naipatupad na proyekto ang mga silid-aralan, farm-to-market roads, ilaw sa lansangan, water systems, elektripikasyon, at mga pasilidad pangkalusugan. Naglaan din ang pamahalaan ng P8.08 bilyon para sa 808 barangay ngayong 2026.
Iniulat din ng NTF-ELCAC na 50,907 indibidwal ang sumuko mula 2019 hanggang 2025, habang umabot sa P984 milyon ang naipamahaging tulong para sa mga dating rebelde.
- Latest






















