LRT-1, magpapatupad ng holiday schedule sa Nobyembre 16-18

MANILA, Philippines — Nakatakdang magpatupad ang pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) ng holiday schedule para sa Nobyembre 16 hanggang 18, sa gitna ng pagdaraos ng 49th ASEAN Summits sa bansa.
“Alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1447, s. 2026 na nagdedeklara sa Nobyembre 16, 17 at 18 bilang mga Special (Non-Working) Days sa National Capital Region para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits, ipatutupad ng LRT-1 ang holiday schedule nito sa mga nabanggit na araw,” abiso ng Light Rail Manila Corporation (LRMC).
Nabatid na sa mga nasabing petsa, ang unang biyahe ng tren na magmumula sa Dr. Santos Station at Fernando Poe Jr. Station ay aalis ng 5:00AM, habang ang huling biyahe naman sa Dr. Santos Station ay aalis ng 9:30PM at 9:45PM naman ang last trip mula sa Fernando Poe Jr. Station.
Matatandaang ang mga Nobyembre 16-18 ay idineklarang special non working holiday sa Metro Manila ng administrasyong Marcos, kasunod na rin nang pagdaraos ng ASEAN Summit.
Una na rin namang nagpatupad ang LRT-1 ng libreng sakay sa piling oras noong Nobyembre 9, 11, at 13, bilang komemorasyon sa ASEAN Summit.
- Latest






















