Pinas, Australia palalakasin defense deal

MANILA, Philippines — Nilagdaan ng Pilipinas at Australia ang Defense Cooperation Agreement (DCA) upang palakasin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa larangan ng depensa at seguridad.
Pinagtibay nina Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. at Australian Ambassador Marc Innes-Brown ang kasunduan na magpapadali sa koordinasyon sa military at security operations, kabilang ang disaster response, defense procurement, at joint military exercises sa lupa at karagatan.
Ayon kay Teodoro, malaking bentahe ng kasunduan ang mas mabilis na pagresponde ng Australia sa panahon ng kalamidad dahil mababawasan na ang mga kinakailangang permit at dokumento.
“Ngayon, ang bentahe talaga din nito sa disasters. At least, hindi na maraming permit-permit pa. Isahan na lang ito para agad makaresponde ang ating mga kaalyadong Australyano,” ani Teodoro.
Nilinaw naman niya na iba ang DCA sa umiiral na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Pilipinas at Estados Unidos.
Samantala, magtatatag din ang Pilipinas, Estados Unidos, Japan at Australia ng Combined Coordination Center (CCC) sa Maynila upang higit pang mapalakas ang koordinasyon, pagbabahagi ng impormasyon at kooperasyong militar ng apat na bansa.
- Latest



















