Gatchalian bloc kinikilala ng House prosecutors sa impeachment trial

MANILA, Philippines — Higit na kinikilala ng House prosecution panel ang bloc na pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian bilang may sapat na kapabilidad upang mag-convene ng Senate impeachment court para sa paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang pahayag ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, isa sa 11 miyembro ng Prosecution team ng Kamara, sa gitna ng sigalot sa liderato ng Senado kung saan pinag-uusapan kung kaninong grupo — ang kay dating Senate President Alan Peter Cayetano o ang kay Gatchalian — ang tunay na may kakayahan na humawak ng impeachment trial.
Ayon kay Ridon, malinaw na ang Gatchalian bloc ang may numero upang mag-convene ng Senate plenary at magbukas ng impeachment court.
“Ang pagtingin naman po natin sa bahagi ng House of Representatives, meron na pong pag-recognize doon po kay Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian,” ani Ridon, kasabay ng patuloy na pagmamatigas ni Cayetano na siya pa rin umano ang lider ng Senado.
Dagdag pa ni Ridon, hindi posibleng magkaroon ng magkahiwalay na impeachment trials dahil iisa lamang ang grupong may kakayahang mag-convene ng plenaryo at ng impeachment court.
“Wala pong iba kundi sa pangunguna po ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian,” giit ng solon.
- Latest






















