Baldwin, 10 pa swak sa hazing!

MANILA, Philippines — Inirekomenda ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act laban kay Ateneoead coach Tab Baldwin at 10 miyembro ng coaching at support staff kaugnay ng pagkamatay ng mga student-athlete na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.
Bukod kay Baldwin, pinaaasuhan din ang strength and conditioning coaches na sina Grant Dearns at Ceasar Vicent Javellana Elumba; assistant coaches na sina Dean Caesar B. Castaño, Sandro Nicholas Romero Soriano, at Reynaldo Jacinto; student managers na sina Paolo Manuel Maceda Adevoso at Andrew Lorenzo “Drew” Bondoc Salud; physical therapist na si John Eric Quiambao Rueca; at utility personnel na sina Aris Ramos Pronce at Joel “Boy” Palmiano Rapa.
Ayon sa PNP, sa tatlong linggong imbestigasyon, lumitaw na ang isinagawang seawater training ay maituturing na hazing dahil nagdulot ito ng pisikal na pagdurusa bilang rekisito sa patuloy na pagiging miyembro ng koponan at naging batayan din sa pagpili ng final 17-man roster ng Ateneo para sa susunod na season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Sinabi naman ni DILG Assistant Secretary for Legal and Legislative Affairs Brian Mey R. Tomas may nakitang ebidensya ang mga imbestigador na ang team-building exercise ay hindi lamang simpleng “requirement” para sa membership ng koponan. Aniya, 20 atleta ang dumalo sa training camp, pero 17 lamang ang makakasama sa Ateneo’s final UAAP lineup.
Batay sa testimonya ng mga saksi, layunin ng aktibidad na matukoy ang physical condition at mental toughness ng mga atleta kaysa matukoy ang basketball skills.
“These circumstances point to the fact that this supposed team-building is really geared towards identifying which players will be fit for the final roster of UAAP players,” pahayag ni Tomas.
Nabatid naman kay Interior Secretary Jonvic Remulla na walang sinuman sa mga naroon ang pumigil sa isinagawang aktibidad kahit may panganib ito. Lima rin sa mga manlalaro ang nagsabing hindi sila marunong lumangoy bago isinagawa ang water training. Gayunman, itinuloy pa rin umano ang aktibidad sa kasagsagan ng high tide, kung saan nalunod ang dalawang biktima.
Iginiit naman ni CIDG Director Maj. Gen. Robert Morico II na wala silang nakitang pabigat sa mga katawan nina Baterbonia at Adili nang marekober ang mga ito.
Samantala, sinabi ni Ateneo President Fr. Roberto Yap na patuloy ang kanilang paghingi ng tawad at pagbibigay-suporta sa pamilya ng dalawang student-athletes na nasawi. Nangako ang pamunuan ng unibersidad ng pangmatagalang tulong sa mga naulila.
- Latest

















