5 tinodas sa Caloocan
MANILA, Philippines - Lima na namang tao na isinasangkot sa iligal na droga ang itinumba ng mga hindi nakilalang mga salarin sa magkakahiwalay na insidente sa lungsod ng Caloocan, mula kamakalawa ng gabi hanggang kahapon ng madaling araw.
Dakong alas-4 ng madaling araw nang barilin ng isang hindi nakilalang salarin ang 37-anyos na si Japhet Dizon Bacaltos, habang nakapila ito sa Sanana Tricycle Terminal sa may Meramonte Heights, Brgy.180, ng naturang lungsod. Agad na tumakas ang salarin makaraan ang pamamaril.
Alas-11 naman kamakalawa ng gabi nang dukutin ng limang armadong lalaki sa loob ng kanyang bahay si Salvador Carel, alyas Rhoderick, 42, tricycle driver, at residente ng Don Benito Street, Brgy. 21.
Nang mailabas ng bahay, dito sunud-sunod na pinagbabaril ng mga salarin ang biktima sa gitna ng kalsada saka nagsitakas. Itinanggi naman ng misis ng biktima na sangkot sa iligal na droga ang kanyang mister na normal umanong naghahanapbuhay sa pamamasada ng tricycle.
Binaril at napatay din ng nag-iisang salarin dakong alas-7:20 ng gabi si Ricardo Enderez Jr., sa may Kalantio Street, Urduja Village, ng naturang lungsod. Bukod sa dalawang basyo ng bala ng kalibre .9mm pistol, narekober rin ng mga imbestigador ang mga paraphernalia sa iligal na sugal na lotteng.
Alas-7 ng gabi nang barilin at ma-patay ng dalawang salarin si Jose Andrew Tesorero, 30, sa may Albay Street, Phase 1 Dela Costa Homes 2, Brgy. 179, habang alas-4 kamakalawa ng hapon nang mabaril at mapatay ng nag-iisang suspek si Alfredo Beron sa may Phase 4B Package 9 Block 69 Powerline Brgy. 176 Bagong Silang.
- Latest