Para mailigtas sa illegal drugs suporta ng mga school officials hiningi ni Erap
MANILA, Philippines – Upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante mula sa iligal na droga, umapela ng kooperasyon si Manila Mayor Joseph Estrada sa guro at school officials.
Ayon kay Estrada, dapat magsibing leksyon ang pagkamatay ng limang kabataan sa isang concert event sa Mall of Asia kamakailan, kung saan naging talamak umano ang bentahan ng “party drugs”. Aniya, aktibo pa rin ang mga drug syndicates sa pambibiktima ng mga kabataan.
“Drugs are destroying the moral fibre of our youth. We have to save our children’s future,” ani Estrada.
Bunsod nito, inatasan ni Estrada ang Manila Police District (MPD) na makipag-ugnayan sa mga school officials upang matukoy at mailigtas ang mga mag-aaral na posibleng gumagamit ng droga o ginagamit ng mga sindikato bilang drug peddlers.
Sinabi naman ni MPD deputy director for operations Sr. Supt. Marcelino Pedrozo na dapat na ipaalam sa kanila ang mga estudyante na sangkot sa droga upang agad na masawata at matukoy ang pinanggagalingan nito.
Dagdag pa ni Pedrozo, maraming kabataan ang napipilitang mag-trabaho para sa mga drug syndicates dahil sa kahirapan.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), pinakamarami ang mga tinedyer na nasa high school ang gumagamit ng droga, partikular na ang mga street children.
Matatandaang itinaguyod ni Estrada ang Philippine Drug Abuse Resistance Education (PhilDARE) Program noong Agosto 24, 1993 upang ilayo ang kabataan sa droga.
Ang DARE ay isang international substance abuse prevention education program na sinimulan sa Los Angeles noong 1983.
Sa ngayon, tanging Maynila lang ang mayroong aktibong DARE sa buong National Capital Region (NCR).
- Latest