‘Mag-pinakbet muna, wag chopsuey’
MANILA, Philippines – “Mag-pinakbet na lang muna kayo saka na ang chopsuey.”
Ito ang hiniling ni Agriculture Sec. Proceso Alcala sa publiko dahil sa naging pagtaas ng halaga ng mga panindang gulay sa mga palengke at mga pamilihan.
Ayon kay Alcala, hindi maiiwasan na tumaas ang gulay sa ngayon laluna ang mga high value crops tulad ng mga gulay na sangkap sa “chopsuey” dahil nagmumula ito sa Benguet na sinalanta ng bagyong Lando.
Ang cauli flower, carrots, repolyo, red pepper, sitsaro na gamit sa pagluluto ng chopsuey ay produktong Benguet samantalang ang pinakbet na may sangkap na talong, kalabasa, sigarilyas at sitaw ay nagmumula naman sa maraming lalawigan na hindi nasalanta ni Lando.
Sinabi ni Alcala na patuloy ang ginagawang pagtulong ng ahensiya sa mga magsasaka na nasalanta ni Lando sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga buto at pananim para makapagsimulang muli.
Sinabi rin ng kalihim na bagamat maraming palay farmers ang naapektuhan ng nagdaang bagyo, hindi naman kukulangin sa butil ang bansa dahil sapat ang imbak na bigas ng National Food Authority para magamit sa mga susunod na mga araw.
Hindi rin kukulangin ang suplay ng mga karne ng baboy at manok kahit ang malaking sector ng hayupan sa Luzon ay nasalanta rin ni Lando. Anya maraming suplay ng produkto sa bansa laluna sa mga probinsiya na hindi naman naapektuhan ng bagyo.
- Latest