Ateneo binulsa ang 5th place sa SSL volley
MANILA, Philippines — Tinulungan nina Lyann De Guzman at Geezel Tsunashima ang Ateneo de Manila University na sikwatin ang fifth place finish matapos ilipad ang 26-24, 25-16, 21-25, 25-23, panalo kontra College of Saint Benilde sa classification match ng 2024 Shakey’s Super League collegiate pre-season championship na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum, kahapon.
Pinamunuan ni De Guzman ang opensa para sa Ateneo habang si Tsunashima ang kumana ng dalawang huling puntos ng koponan para ilista ang mahalagang panalo.
Nirehistro ni De Guzman ang game-high 20 points habang nagsilbing bida si Tsunashima sa closing stretch sa fourth set para ikahon ang pangalawang fifth place finish ng Blue Eagles, una sa inaugural edition may dalawang taon na ang nakalipas.
Tumikada si De Guzman ng pitong puntos sa fourth frame, pumalo siya ng 19 attack points sa tournament na katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea, Grab Philippines, at Summit Water.
“Sabi ko sa kanila ‘wag masyadong relax kasi nakikita ko na hindi ito ‘yung laro namin kapag nagti-training kami. Sabi ko lang ilaban lang nila, nandito kami magtutulungan para sa isa’t isa,”ani De Guzman.
- Latest