Nasaan ang values?
Ilang beses na bang magiging isyu ito?
Napakalaking isyu na naman ang pagpapahiram ng mga basketball player (lalo na ang mga sikat) sa mga bubuuing Pambansang koponan sa basketball.
Noon isang malaking karangalan para sa isang basketball player ang mapasama sa National team. Maituturing na isang bayani ang isang manlalaro kapag isinuot na niya ang uniporme ng Pambansang koponan at nakipagtagisan ng galing sa mga pinakamahuhusay din na manlalaro ng ibang bansa.
Kagaya na lamang ni basketball great Caloy Loyzaga na kinailangan pang lumuhod at makiusap kay National coach Arturo Rius para lamang muling maisama sa koponang sasabak sa 1960 Olympic Games sa Rome.
Ito ay matapos magkaroon si Loyzaga ng injury sa kaliwang kamay habang naglalaro ng softball, ang kanyang ikalawang sport bukod sa basketball.
Pero ngayon parang isang napakalaking “sakripisyo” ang mapasama sa Pambansang koponan kaya’t iniiwasan ito ng karamihan sa mga basketball players. Ang dahilan ay mababawasan ang kanilang malalaking suweldo.
Hindi rin naman natin sila masisi dahil kinakailangan din naman nilang kumita upang suportahan ang kanilang pamilya.
Ilan sa mga halimbawa nito ay ang non-availability nina June Mar Fajardo at LA Tenorio na maglaro sa Gilas Pilipinas dahil sa injuries at “hindi kontroladong sitwasyon.”
Si Marc Pingris ay pumayag nang maglaro dahil marahil ay namayani sa kanya ang damdamin para sa bayan.
Hindi natin kinukuwestiyon ang nasyonalismo nina Fajardo at Tenorio. Naniniwala kasi ako na may choice pa rin ang pagkakaroon ng nasyonalismo.
Mas nais kong tingnan ang “values” na kanilang dinadala. Sabi kasi, sa “values” nagmumula ang lahat ng ating behaviour. Kung malalim at maganda ang values ng isang tao, tiyak na pahahalagahan niya ang mga aksyon na makabubuti para sa kanya at sa nakararami.
Sa values din nasusukat kung ano ang pinahahalagahan ng isang tao. Naniniwala ako na ang mga bagay na may kabuluhan sa atin tulad ng pamilya, bayan, pera, tagumpay, o kapangyarihan, ang nagsusukat kung anong uri ang isang tao…Sa kasong ito ang mga manlalaro.
Hindi ko sinasabi na ayaw paglaruin ng kanilang mga koponan ang mga players na ito. Sana nga, tulad ni Pingris, ay maisip nina Fajardo at Tenorio ang kahalagahan para sa bayan ang kanilang paglalaro.
Magsilbi sana itong hudyat sa PBA upang umaksyon na. Isipin sana natin na hindi ito para sa isang tao lamang. Ito ay para sa 75 milyong Pilipino na umaasang may kahihinatnan pa ang basketball sa bansa
Hindi ba’t mas sisikat ang PBA at ang mga manlalaro nito kung lalaban sila para sa bayan.
- Latest