Barefield humataw sa Bossing

MANILA, Philippines — Pinalubog ng Blackwater ang NorthPort, 120-98, para sa unang tagumpay nito sa 2025 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumomba ng 40 puntos ang Bossing sa third quarter at hindi na pinadaong pa ang Batang Pier tungo sa dominanteng panalo matapos sumemplang sa unang 2 laban.
Angat sa 1-2 kartada sa kalagitnaan ng 12-team standings ang Blackwater na unang tumaob sa Magnolia, 106-84, at Converge, 111-80.
Nagawa nila ito sa trangko ni No. 2 draft pick Sedrick Barefield na kumamada ng 20 puntos sa limang tres sahog pa ang 3 rebounds, 4 assists at 3 steals.
Solido ang suporta ni Barefield sa katauhan nina Christian David, RK Ilagan, Richard Escoto, BJ Andrade at Troy Mallilin na tumipa ng 19, 17, 15, 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, sa balanseng atake ng Bossing.
May 9 at 7 puntos din sina Mike Ayonayon at Bradwyn Guinto, ayon sa pagkakasunod, para kumpletuhin ang bench mob ng mga bataan ni coach Jeff Cariaso sa pagpapataob sa Batang Pier.
Ga-hibla lang ang lamang ng Bossing, 48-47, sa halftime bago magpaulan sa third quarter kung saan nila iniwan sa 40-27 ang Batang Pier.
Hindi pa nakuntento ang Blackwater doon nang magliyab ulit sa 32 puntos sa fourth quarter kung saan sila lumamang ng hanggang 27 puntos, 104-77, tungo sa tagumpay.
Nagbalik-aksyon ang ace player na si Arvin Tolentino mula sa hip injury subalit nagkasya lang sa 15 puntos sa malamyang 6-of-17 shooting na lubusang ininda ng mga tropa ni coach Bonnie Tan.
- Latest