Pagbabalik ni James diniskaril ng Suns
PHOENIX--Nagbalik si LeBron James sa lineup ng Cavaliers matapos ang two-weeks layoff at umiskor ng 33 points.
Ngunit hindi ito sapat para manalo ang Cleveland.
Ipinalasap ng Suns ang pang-anim na sunod na talo ng Cavaliers matapos iposte ang 107-100 panalo.
Nagpakita si James ng kanyang mga slam dunks, acrobatic drives at three-point shots.
“I couldn’t make those moves two weeks ago,” wika ni James.
Umiskor si Markieff Morris ng career-high 35 points mula sa 15-of-21 shooting para sa tagumpay ng Suns na inungusan ang Cavs sa scoring, 11-3, sa huling 3:31 minuto ng fourth quarter.
Nakabangon ang Cavaliers mula sa 19-point, third-quarter deficit para makauna sa fourth period.
Kumamada si J.R. Smith, nakasama ng Cavaliers nang magpahinga ng dalawang linggo si James, ng 29 points buhat sa 8-of- 14 shooting sa three-point line.
Sa Los Angeles, humugot si Mario Chalmers ng siyam sa kanyang 19 points sa fourth quarter, habang nag-ambag ng 15 points si Hassan Whiteside para tulungan ang Miami Heat sa pagkumpleto sa Staples Center ng sweep sa bisa ng 78-75 panalo laban sa Lakers.
Tumipa si Chris Bosh ng 8 points buhat sa 4-of-17 shooting para sa Heat, naunang tinalo ang LA Clippers bago isinunod ang Lakers sa kabila ng pagkawala sa laro ni Dwyane Wade dahil sa isang strained left hamstring sa first half.
Naglista si Kobe Bryant ng 12 points mula sa 3-of-19 shooting sa kanyang pagbabalik sa Lakers’ lineup matapos ipahinga ang tatlo sa huling apat na laro ng Los Angeles.
Ang tres ni Bryant sa huling 31 segundo ang naglapit sa Lakers sa Heat sa tatlong puntos bago naimintis ang isang tres na siya sanang nagtabla sa kanila sa natitirang dalawang segundo.
Sa iba pang resulta, giniba ng Minnesota ang Indiana, 110-101; inilampaso ng Atlanta ang Philadelphia, 105-87; tinalo ng Washington ang San Antonio, 101-93; dinaig ng Golden State ang Utah, 116-105; at tinakasan ng Dallas ang Sacramento, 108-104.
- Latest