Binay nag walkout sa hearing ng komite ni Cayetano
MANILA, Philippines — Nagwalkout kahapon si Sen. Nancy Binay sa pagdinig ng Senate committee on accounts na pinamumunuan ni Sen. Alan Peter Cayetano kaugnay sa gastos sa New Senate Building (NSB).
Bagaman at hindi miyembro ng komite si Binay, dumalo ito sa pagdinig dahil narinig niya na sinabi ni Cayetano na welcome siya sa hearing.
Si Binay ang dating chair ng accounts committee na humahawak sa proyekto ng NSB.
Nagsimula ang tensiyon nang tanungin ni Binay ang kinatawan ng Department of Public Works and Highways sa budgetary cost ng bagong gusali.
“So tama po na on your documentation there’s no such thing as P23 billion for DPWH. Kaya sa tingin ko, si Usec. (Emil) Sadain, hindi ninyo ho kailangang mag-apologize,” ani Binay.
Pero kinontra ni Cayetano si Binay at binanggit ang data mula sa DPWH na diumano ay nagpakita ng P23 bilyong cost estimate ng bagong gusali. Ang mga numero ay nagmula umano sa mga staff ni Binay.
“You’ve been going around saying na mali ang numbers namin. So kung mali correct it. Ang nagbigay ng number sa amin staff mo and you’ve been going around telling people saan ba nanggaling eh galing nga sa staff mo. So anong problema?” ani Cayetano.
Inakusahan din ni Cayetano si Binay na nanggugulo sa pagdinig.
Nilinaw naman ni Binay na ang tanging layunin niya ay tapusin ang pagtatayo ng bagong gusali.
Inakusahan din ni Cayetano si Binay na gumagawa umano ng mga isyu matapos iugnay ang proyekto ng NSB sa lokal na pulitika sa Makati at Taguig.
Ipinahiwatig pa ni Cayetano na maaaring ibinigay ni Binay ang mga tanong ng media sa kanya.
“Sampung interview? Ekstong lahat ng question? Coincidence? Ang galing mo naman,” ani Cayetano.
“Bakit naman ako magbibigay ng tanong sa mga media, Mr. Chairman? Baka gawain mo ‘yung magbibigay ng tanong sa mga media. Excuse me,” balik na tanong ni Binay.
Matapos mag walk-out ni Binay, sinabi ni Cayetano na, “nabuang ka na, day.”
“Tapusin natin ng maayos ito; Senado ito ng Pilipinas, hindi ito palengke,” dagdag ni Cayetano.
- Latest