TODA Aksyon party-list, bibigyang boses tricycle drivers, operators sa Kongreso
MANILA, Philippines — Ilalaban ng TODA Aksyon Party-list ang mga karapatan, pribilehiyo at benepisyo para sa mga tricycle drivers at operators sa buong bansa.
Ito’y matapos maghain ng kandidatura ang TODA Aksyon Party-list sa pangunguna ni 1st nominee Rovin Andrew Feliciano, dating konsehal ng lungsod ng Valenzuela City.
“Ang TODA Aksyon Party-list ay lalahok sa 2025 elections upang bigyang boses at nararapat na representasyon ang mga tricycle drivers at operators sa buong Pilipinas. Dahil sa mahabang panahon ay walang representasyon ang nasabing tunay na marginalized sector,” ayon kay TODA Aksyon Party-list First Nominee Feliciano, pagkatapos maghain ng kanyang certificate of nomination at certificate of acceptance of nomination nitong ika-5 ng Oktubre 2024.
Prayoridad ng party-list na isulong ang pagpapalawak ng benepisyo ng Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng pagpasa at pagsasabatas ng Magna Carta para sa mga Tricycle Drivers and Operators.
“Isa sa mga hangarin ng TODA Aksyon Party-list ay i-angat ang mga karapatan at pribilehiyo ng isang tricycle driver at operator tulad na lamang ang pagsasabatas ng Magna Carta for Tricycle Drivers na magbibigay kaayusan sa larangan ng talong-gulong na pamamasada,” ani Feliciano.
Kasama sa 10-point agenda ng TODA Aksyon Party-list ay ang pagbabalik ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF) upang tulungan ang mga tricycle driver at mga mamamayan kung tumataas ang presyo ng gasolina; pagkakaroon ng bawat tricycle driver at operators ng health at accident insurance; pagsusulong ng PAG-IBIG at Social Security System memberships sa mga kasapi ng TODA; libreng abogado para sa miyembro; pagkakaroon ng gasoline station sa mga central na terminal na hawak at pinapatakbo ng kooperatiba; permanenteng terminal na hindi maapektuhan ng politika ng mananunungkulan sa lokal na pamahalaan; libreng livelihood at scholarship programs kaakibat ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para lumawak ang ng mga oportunidad ng TODA maging ang miyembro ng kanilang pamilya; at standardization ng franchise fees sa bawat rehiyon, na tugma sa standard living conditions ng bawat rehiyon sa bansa.
- Latest