Libre toll fees ng SMC ngayong Pasko, New Year
MANILA, Philippines — Inianunsiyo kahapon ng San Miguel Corporation (SMC) na iwi-waived nila ang toll fees sa kanilang expressways, sa mga ispesipikong oras ngayong holidays.
Ayon sa SMC, ang toll-free schedule ay iiral sa Pasko o mula 10:00PM ng Disyembre 24 hanggang 6:00AM ng Disyembre 25.
Ipaiiral din ito sa Bagong Taon o mula 10:00PM ng Disyembre 31 hanggang 6:00AM ng Enero 1.
Nabatid na kabilang sa mga expressways na pinangangasiwaan ng SMC na hindi maniningil ng toll fee sa mga nasabing araw ay ang Skyway System, NAIA Expressway (NAIAX), South Luzon Expressway (SLEX), STAR Tollway, at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX).
“This is our way of saying thank you to everyone who uses the expressways we operate. It’s something we look forward to every year because it helps thousands of motorists get home to their families a little easier, especially during Christmas and New Year,” ayon kay SMC Chairman Ramon S. Ang.
Samantala, sinabi ng SMC na upang matiyak ang ligtas at mabilis na biyahe ay magpapakalat sila ng patrollers at security personnel sa mga critical areas. Mayroon rin umano silang nga nakaantabay na emergency response teams, na ipinakalat na simula kahapon.
Simula naman kahapon ng hapon hanggang sa Enero 3, 2025, ay suspendido muna ang mga roadworks na makakaapekto sa daloy ng trapiko.
Magpapakalat din umano sila ng mga tow trucks at emergency vehicles sa mga istratehikong lugar.
- Latest