Hiyasmin (223)
“NAGULAT ako isang umaga habang naglilinis ng banyo. Malawak ang banyo kaya kailangang umpisahan ko nang maaga ang paglilinis. Nakaalis na sina Sir at Mam patungong trabaho. Nakaalis na rin ang bunsong kapatid ni Rashid na si Aminah. Tanging si Rashid na lamang ang naiwaanan. Laging tanghali kung bumangon si Rashid.
“Abalang-abala ako sa paglilinis ng inidoro nang makita kong nasa may pintuan si Rashid at nakangiti. Okey daw ba ako? Sabi ko’y okey naman. Hindi raw ba ako napapagod?” Sagot ko’y hindi.
“Pagkatapos ay umalis si Rashid. Ipinagpatuloy ko ang paglilinis sa sahig ng banyo. Kailangang malinis na malinis dahil napapansin ni Mam ang kahit maliit na dumi sa sahig at dingding ng banyo.”
“Makaraan ang ilang minuto, bumalik si Rashid na may dalang tray at may laman na sa tingin ko ay tuyong prutas na kulay brown.”
“Iniabot sa akin ang tray na may laman na dried fruit sa pagkakatingin ko. Kumain daw ako dahil mahusay daw sa katawan. Nagbibigay daw ng energy lalo sa mga may ginagawang mabigat. Dumampot ako ng isa at isinubo. Nginuya ko. Matamis. Masarap. Kakaiba ang tamis.”
“Yun daw ay tam’r o dates, sabi ni Rashid. Tinanong ako kung nagustuhan ko, sabi ko’y masarap. Kumain pa raw ako. Muli akong kumuha at kinain. Parang nakakapagpalakas nga ang dates. Lalo akong sumigla.”
“Ang hindi ko inaasahan ay ang pagpasok ni Rashid sa banyo. Hinawakan ang kamay ko at pinisil. Sinabi na gusto raw niya ako. Hinawakan ang mga balikat ko. Magaan ang pagkakahawak pero may naramdaman akong daloy ng kuryente.”
“Inulit niya ang sinabi na gusto ako. Nanatili naman akong nakatingin sa maamo niyang mukha. Napakaguwapo. Balbas-sarado siya.”
“Ang sumunod ay ang paglapit ng mukha niya sa mukha ko. Hanggang magkadikit na ang aming mukha. At kasunod ay ang paglalapat ng aming mga labi.”
Itutuloy
- Latest