Hiyasmin (214)
“PERO alam mo Mareng Julia, ang lahat pala ng kasamaan ay may wakas. Hindi pala totoo na ang masamang damo ay matagal mamatay,’’ sabi ni Mama Lira.
“Mula nang bugbugin ako at magdala sa bahay ng kung sinu-sinong bayarang babae ang walanghiya, natuto akong magdasal at hiniling na sana ay matapos na ang kanyang kasamaan at makalaya na ako.
“Inaamin ko, hindi ako paladasal. Hindi ako marunong tumawag sa Diyos. Mas naniniwala ako sa sariling kakayahan. Hindi pala tama yun. Kailangan ang awa at tulong ng Diyos. Hindi ko pala makakaya kung ang sarili ko lamang ang paniniwalaan.
“Hiniling kong matapos na ang ginagawa sa akin ng itinuring kong demonyo. Gusto ko nang makalaya at nang makapiling ko naman at mapaglingkuran ang aking anak na si Hiyasmin. Sabi ko sa Diyos, bago man lang ako mamatay ay makapiling ko nang lubusan si Hiyasmin.
“At dininig ako ng Diyos. Biglang nawala sa buhay ko ang demonyo. Akala ko, panaginip lang ang lahat. Totoo pala! Patay na ang taong nagpahirap sa akin. Wala na ang taong sumira ng aking buhay.
“Nalaman ko na lamang na pinagbabaril ang walanghiya sa motel kasama ang kanyang kalaguyo. May asawa rin ang kalaguyo. Nasundan sila sa motel. May dala na palang baril ang asawa at nang makumpirma na nasa room sila, pinasok at pinagbabaril. Patay ang dalawa! Dumating din ang wakas nila. Sinagot ang dasal ko.” (Itutuloy)
- Latest