Hiyasmin (217)
“Isang bagong renovate na apartment ang inupahan ko,’’ pagpapatuloy na pagkukuwento ni Mama Lira kay Nanay Julia. Buong puso namang nakikinig si Nanay Julia sa napaka-interesting na kuwento ng mama ni Hiyasmin.
“Mayroon naman akong naitagong pera na ginamit ko sa paglipat ng bagong bahay. Naitago ko ang pera na kinita ko mula sa pagluluto ng mga kakanin at ulam. Kung hindi ko naitago ang pera baka wala ako kahit sentimo. Kinukuha kasi ng demonyo ang kinikita ko at ginagastos sa pambababae at pagsusugal.
“Nang nakalipat na ako sa bagong bahay, saka ako lubos na nakadama ng kapanatagan sa buhay. Pakiramdam ko, isa akong ibon na nakalaya sa bakal na hawla.
“Napakasarap ng pakiramdam. Magaan na magaan ang kalooban ko at kasabay nun naisip ko si Hiyasmin at nahiling sa Diyos na sana ay makapiling ko siya kahit man lang sandali. Alam ko nanan kasi na may hinanakit sa akin ang anak ko dahil hindi ko siya naipaglaban sa demonyo. Naging sunud-sunuran ako at napabayaan siya. Sa halip na siya ang aking makasama, mas pinili ko ang demonyo!
“Kaya nang dalawin ako ni Hiyasmin at Dax sa bago kong bahay, masayang-masaya ako. Sa wakas, natupad din ang dinadalangin ko. Hindi ko maipaliwanag ang nadamang kasiyahan, Mareng Julia.”
Gustong maiyak ni Nanay Julia. Tangay na tangay siya.
(Itutuloy)
- Latest