Hiyasmin (215)
“Hindi ako makapaniwala sa biglaang pangyayari, Mareng Julia. Nawala sa isang iglap ang taong nagdulot sa akin ng impiyerno. Ang akala ko, nananaginip lang ako, Mare pero totoo pala. Wala na ang demonyo!’’ sabi ni Mama Lira na ang boses ay halatang malayang-malaya.
“Sabi mo, may asawa rin ang kanyang kalaguyo?’’
“Oo Mare—asawa raw ng sundalo ang kinabit ng demonyo. Kaya ayun, pinagbabaril sila.”
“Ano ang nangyari sa namaril na sundalo?’’
“Agad sumuko sa superior niya. Isinuko rin ang baril na ginamit. Ayon sa balita, hindi raw pinagsisisihan ng sundalo ang nagawa. Nararapat lamang daw na mamatay ang mga pumugay sa kanyang dangal.’’
“Grabe pala talaga ang asawa mo—pati may-asawa ay pinapatulan. Wala nang takot sa maaring mangyari.’’
“Tama ang sinabi mo Mare —wala na rin siyang hiya sa sarili!”
“Matapos mamatay anong nangyari?”
“Gusto ko na sanang hayaan ang walanghiya sa morgue ng punerarya pero…’’
“Pero ano?”
“Naisip ko, ipalibing na rin.’’
Sana inialok mo sa mga medical school ang bangkay—pinag-aaralan ng mga estudyanteng nagdodoktor.’’
“Hindi ko naisip yun, Mare.”
“Ipinalibing mo na?’’
“Oo. Pagkalipas ng tatlong araw, ipinalibing ko sa public cemetery. Hindi ko nilagyan ng pangalan. Pagkatapos ay hindi ko na dinalaw mula noon.”
“Tama ang ginawa mo, Mare.”
“Mula nang mamatay ang demonyo, lumuwag na ang pakiramdam ko!”
(Itutuloy)
- Latest