Bawal ang patulog-tulog kay PRO6 Tuaño
MUKHANG dinidinig ni Police Regional Office-6 (PRO6) Director P/BGen. Randulf Tuaño ang matagal nang panawagan ng mga Ilonggo hinggil sa ningas kugon na trabaho ng mga kapulisan sa Western Visayas Region. Kasi nga, mula ng umupo itong si Tuaño sa PRO6, walang patid ang accomplishment nito na nagresulta para pangunahan ang isinasagawang Operational Performance Evaluation ng Philippine National Police na nagsimula nitong June 1 at magtatapos sa July 13. Kung sabagay, hindi naman kataka-taka na manguna itong Command ni PRO6 BGen. Tuaño sa performance dahil halos hindi na natutulog at namamalagi itong mga kapulisan sa kanilang istasyon dahil ipinakalat sila sa kalye upang habulin ang mga kriminal. Hehehe!
Masasabi nating masuwerte itong mga lalawigan ng Iloilo, Capiz, Antique, Aklan at Guimaras sa pagkatalaga kay Tuaño dahil kung noon bago siya maging PRO6 Director magaling na siyang PNP Spokesperson at nang italaga nga siya ni PNP Chief P/Gen. Jose Melencio Nartatez aba’y lalong sumipag ito sa kanyang trabaho at pinatunayan niya sa mga Ilonggo na may-K siya sa mga operational deployment ng mga kapulisan. Kung sabagay, gumawa itong si Tuaño ng history sa Western Visayas Region matapos na makakumpiska ito ng milyon-milyong shabu at makapag-aresto ng mga High Vaue Target na matagal nang namamayagpag sa pagpapakalat ng droga sa iba’t ibang lalawigan.
Hindi lamang sa droga nakatutok itong tropa ni Tuaño dahil nasimulan na nilang ipresenta sa madlang pipol ang may 77 operasyon kontra Illegal Logging na nagresulta sa pagkaaresto sa 33 katao. Ang talamak na Illegal Fishing ay kabilang din sa pinag-ukulan ng pansin ni Tuaño kayat nalambat ang may 122 Violators at nakakumpiska ng P6.38 milyon na mga kagamitan.
Ang matindi rito, naaresto ng mga tauhan ni Tuaño itong 105 mga Wanted Persons na matagal nang pinaghahanap ng batas kaya’t masasabi nating may katahimikan na ang mga Ilonggo sa kanilang kapaligiran at kabuhayan.
Nitong June 21 nagsagawa ng buy-bust operation ang Estancia Municipal Police at naaresto sina alias “Pirot’; Alias ‘Jose’; Alias ‘Ryan’ at alias ‘Norbing’. Tinatayang 364 gramo ng shabu na may standard drug price na P247,200 ang nakuha.
Sa bayan naman ng Oton, nakakumpiska ang Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU-6) nitong June 21 ng P13,974.000 halaga ng shabu sa Buy-Bust Operation sa Barangay Bugay na kinilala sina Alias ‘Jude’; Alias ‘Christian’ at kapatid nitong si Alias ‘Choco’. Siniguro ni PRO6 Dir. Tuaño na sa rehas na bakal na sila masasadlak.
Kaya’t mga kababayan kong mga Ilonggo, huwag na kayong magpa-tumpik-tumpik na inguso kay PRO6 Dir. Tuaño ang mga pusakal sa inyong lugar upang mapadali ang pagresponde at pag-aresto sa mga ito. Abangan!
- Latest















