Pangaral ni Querubin sa 18 maleta boys
Medalist of Valor si retiradong Marine colonel Ariel Querubin.
Ang Medal of Valor ay pinakamataas na karangalang ipinagkakaloob sa sundalo. Ito’y para sa katangi-tanging kagitingan at katapangan sa gitna ng labanan. Dahil sa tayog ng katangiang ito, obligado ang pangulo-commander-in-chief sumaludo sa medalya. Saka pa lang sasaludo sa kanya ang medalist.
Namuno si Querubin sa maraming bakbakan sa Mindanao. Ilang beses silang lumusob sa kuta ng mga sesesyonistang Moro. Napaligiran, at muntik masukob. Sa huli, nagwagi sina Querubin at mga tauhan nya.
Naging rebeldeng sundalo rin si Querubin nu’ng bata-bata pa. Sumapi siya sa coup d’etat nu’ng Disyembre 1989 at sa Marine headquarters holdout nu’ng Pebrero 2006. Dahil du’n nakulong siya at naudlot ang military career.
Sa isang bakbakan nasabugan siya ng bomba. Sa rami ng sugat sa mukha, katawan, braso, at binti, inakalang patay na siya. Kinukuha ng nurse ang kanyang dogtags sa leeg at Philippine Military Academy class ding sa daliri bago isara ang bodybag. Pumislig ang isang daliri ni Querubin. Napasigaw ang nurse, “Dok, buhay pa ito!” at mabilis siyang idinala sa operating room para tanggalan ng mga shrapnel.
May pangaral ngayon si Querubin sa 18 maleta boys: “Nakibaka ako para sa inakala kong wasto, kontra sa korapsyon.
“Bakit natin dadakilain at sasabihing kagalang-galang sila? Alam nila na ang maleta-maletang pera na dine-deliver nila ay galing sa taumbayan at ninakaw ng mga tiwaling opisyal.
“Binalewala nila ang ilegal na gawaing ito. Tapos ngayon ay lumalabas silang kagalang-galang at tinuturing na mga bayani?
Sabihin niyo ‘yan sa mga tunay na Marines.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest




















