Bato kinondena ang pag-aresto kay Digong

MANILA, Philippines — Kinondena ni reelectionist Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi ito sumama sa pangangampanya ng PDP-Laban ticket sa Hong Kong dahil siya ang naatasan sa paghahain ng petisyon sa Supreme Court (SC) hinggil sa naging pag-aresto kay Duterte.
“Hindi kami magkasama sa Hong Kong. Di ba naiwan ako dito? All I did was ako ang tinask nila mag-asikaso sa legal. Kinoordinate ko ‘yung akung lawyer at tyaka ‘yung lawyers ni PRRD to come up with a petition for certiorari and prohibition,” wika ni Dela Rosa.
Paggigiit ni Dela Rosa, na dating chief ng Philippine National Police (PNP), dapat ay iprinisinta muna sa isang local court ang dating Pangulo at hindi agad-agad na inilipad palabas ng bansa.
“Alam mo, mas excited pa, mas interesado pa ‘yung Philippine government na mahuli si President Duterte kaysa ICC at saka ‘yung sinsabi nilang INTERPOL,” mariing pahayag niya.
“Isipin mo hindi man lang binigyan ng respeto ‘yung ating mga courts ‘no. Supposed to be kung talagang hinuli nila, dapat i-present muna nila sa court bago nila dalhin don sa ibang lugar, ibang bansa,” wika pa ng Senador.
Tahasang sinabi ni Dela Rosa na binigo at maituturing na trinaydor siya ng kasalukuyang administrasyon dahil naaalala pa niya ang ipinangako sa kanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi ito makikipagtulungan sa ICC.
- Latest