Palasyo: Loyalty check sa mga pulis, militar ‘di kailangan

MANILA, Philippines — Malaki ang kumpiyansa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa katapatan ng pulisya at mga militar kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, hindi na kailangan ang loyalty check sa mga ito.
”Loyalty check? Wala po, kampante po ang Pangulo. Ang ginawa naman po ng administrasyon ay naaayon sa batas,” ani Castro.
Ang pahayag ni Castro ay kaugnay sa pagkalat ng mga ulat na maraming miyembro ng PNP at AFP ang nagbitiw matapos na arestuhin ang dating pangulo at ilipad patungong Hague, The Netherlands.
Pinabulaanan naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga ulat ng umano’y pagbibitiw sa serbisyo ng mga tauhan nito para suportahan si Duterte.
Nauna na rin itinanggi ng mga opisyal ng PNP na ilan sa kanilang mga tauhan ay nagbitiw bilang pagsimpatya kay Duterte at sa kanyang kinakaharap na legal battle sa ICC.
Hinimok ng militar ang publiko ”to exercise critical discernment and avoid spreading unconfirmed information.”
- Latest