Pinaglalamayan kahit buhay pa
Nakatawag ng pansin ang nag-viral kamakailan na living funeral ng isang showbiz personality na may malubhang karamdaman. Sa halip na hintaying mamatay ang isang tao bago siya parangalan, ginagawa ang ganitong seremonya habang buhay pa siya upang marinig mismo ang mga mensahe ng pagmamahal, pasasalamat at pagpupugay ng kanyang mga mahal sa buhay.
Bihira pa sa Pilipinas ang tinatawag na living funeral, na tinatawag ding living wake o pre-funeral. Sa Japan, kilala ito bilang seizens? at naging tanyag noong dekada 1990. Nakilala rin ang konsepto sa ilang bansa, kabilang ang South Korea, Estados Unidos at United Kingdom.
Sa ating wika, maaaring tawagin itong “lamay ng buhay,” isang seremonyang kabaligtaran ng tradisyonal na lamay para sa mga patay.
Karaniwang nagtitipon sa ganitong okasyon ang pamilya at mga kaibigan upang magbahagi ng mga alaala, magbigay-pugay at magpahayag ng pagmamahal at pasasalamat sa taong pararangalan. Maaaring magkaroon ng mga talumpati, pagtugtog ng paboritong musika, pagpapakita ng mga litrato at video, at iba pang gawaing makapagpapaalala sa kanyang buhay. Maaari din siyang magpahayag ng sariling damdamin, humingi ng tawad o magpatawad kung may mga bagay na nais pang linawin.
Hindi lamang para sa mga taong may malubhang karamdaman o malapit nang mamatay ang living funeral. Maaari din itong idaos ng mga nakatatanda o ng sinumang nagnanais na maipahayag at marinig ang mga bagay na karaniwang sinasabi lamang tungkol sa isang tao kapag wala na siya.
Hindi rin nangangahulugang kapag nagkaroon na ng living funeral ay hindi na siya ibuburol pagkamatay. Maaaring magkaroon pa rin ng tradisyonal na lamay at libing, o kaya’y piliin ng pamilya ang mas payak na seremonya, alinsunod sa kahilingan ng namatay at sa umiiral na mga tuntunin.
Una itong umusbong sa Japan nang naisin ng ilang matatandang Hapones na mabawasan ang pasanin ng kanilang mga anak sa pag-aasikaso ng kanilang libing. Ngunit higit pa rito ang kabuluhan ng living funeral. Binibigyan nito ang isang tao ng pagkakataong marinig ang mga salitang maaaring hindi na niya marinig kapag huli na ang lahat. Kung tutuusin, may punto ang ganitong kaugalian. Bakit kung kailan patay na ang isang tao ay saka na lang naaalala ng iba ang kanyang mga kabutihan at nabibigkas ang pagmamahal dito? Kung kailan hindi na niya maririnig ang anumang sasabihin ng mga buhay.
Hindi pa laganap sa Pilipinas ang living funeral ngunit meron nang gumagawa nito.
••••
Email-[email protected]
- Latest















