Eala olats na naman kay Shnaider

MANILA, Philippines — Hindi pa rin manalo si Pinay tennis ace Alex Eala kay Russian star Diana Shnaider.
Ito ay matapos yumukod si Eala kay Shnaider, 6-2, 6-7 (5), 4-6, sa kanilang quarterfinals match sa 2026 Toray Pan Pacific Open kahapon sa Tokyo, Japan.
Nauna nang nabigo ang World No. 19 na si Eala sa No. 13 na si Shnaider , 5-7, 4-6 , sa Round of 16 ng nakaraang Ningbo Open sa China noong nakaraang linggo.
Bago ang rematch kay Shnaider ay sinibak muna ng 21-anyos na si Eala si Talia Gibson ng Australia, 4-6, 6-2, 6-0, sa Round of 16 ng WTA 500 event.
Binuksan ni Eala ang kanyang kampanya sa 6-1, 6-2 demolisyon laban sa 17-anyos na British wildcard na si Mika Stojsavljevic sa Round of 32.
Sa kanilang ikalawang sunod na duwelo ni Shnaider ay kinuha ni Eala ang first set, 6-2, bago nakahirit ang Russian netter sa second frame, 7-6 (5).
Nakuha ni Shnaider ang 3-1 bentahe sa third set kasunod ang pagtawag ni Eala ng medical timeout.
Nagawa pang makatabla ni Eala sa 4-4 hanggang tuluyang angkinin ni Shnaider ang sumunod na dalawang laro.
- Latest






















